PANGGATONG
Sa literal, ‘pagkain’ para sa apoy. (Isa 9:5, 19; Eze 15:4) Ang uling (Isa 47:14; Ju 18:18), mga patpat (Jer 7:18), mga halamang hungko (Job 41:20), mga tinik (Ec 7:6), kahoy (Jos 9:27; Isa 44:14-16), gayundin ang mga punong ubas (Eze 15:6), ay kabilang sa mga panggatong na espesipikong binabanggit sa Bibliya. Karagdagan pa, ang langis ng olibo ay nagsilbing panggatong na karaniwang ginagamit sa mga lampara. (Exo 27:20; Mat 25:3, 4) Malamang na kahoy, sa likas na anyo nito o sa anyong uling, ang pangunahing ipinanggagatong ng mga Israelita. Bilang pampainit, karaniwa’y pinagniningas noon ang uling sa isang brasero. (Jer 36:22) Kung minsan naman, pinagniningas ito kahit walang lalagyan, gaya ng malamang na nangyari nang si Jesu-Kristo, matapos siyang buhaying-muli, ay maghanda ng agahang niluto sa ibabaw ng nagbabagang uling.—Ju 21:9, 10; tingnan ang ULING, BAGA.
Upang ilarawan kung gaano katindi ang magiging kalagayan kapag kinubkob ang Jerusalem, si Ezekiel ay tinagubilinang gumamit ng dumi ng tao bilang panggatong, ngunit nang tumutol siya, pinahintulutan siya ni Jehova na gumamit ng mga limpak ng dumi ng baka bilang kapalit. (Eze 4:8, 12-15) Bagaman ang pinatuyong dumi ng baka ay ginagamit ngayon ng ilang tao sa Gitnang Silangan dahil sa kakulangan ng kahoy, hindi naman nangangahulugan na karaniwan itong ginagamit ng mga Israelita noon, lalo na’t mas makapal naman ang kakahuyan sa sinaunang Palestina kaysa sa ngayon.