JABNEEL
[Magtayo Nawa ang Diyos; Nagtayo ang Diyos].
1. Isang hangganang dako ng Juda. (Jos 15:1, 11) Malamang na ito rin ang Jabne na inagaw ni Haring Uzias (829-778 B.C.E.) sa mga Filisteo. (2Cr 26:6) Ipinapalagay na ang Jabneel ay ang makabagong Yavne. Ang Yavne ay mga 6 na km (3.5 mi) mula sa Dagat Mediteraneo, at nasa isang nakabukod at mabuhanging burol na 20 km (12 mi) sa T ng Jope.
2. Isang hangganang dako ng Neptali. (Jos 19:32, 33) Bagaman iminumungkahi ng ilan na ang Jabneel ng Talmud ay ang Khirbet Yamma, ipinapalagay na ang Jabneel ng Bibliya ay ang Tell en-Naʽam (Tel Yinʽam), na malapit sa isang bukal, mga 8 km (5 mi) sa TTK ng Tiberias. Ang pangalan ay napanatili sa kalapit na makabagong-panahong nayon ng Yavneʼel.