JOSUE, AKLAT NG
Ang aklat na ito ng Bibliya ay naglalaan ng isang mahalagang kawing sa kasaysayan ng mga Israelita yamang ipinakikita nito kung paano tinupad ng Diyos ang kaniyang mga pangako sa mga patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob. Malamang na sumasaklaw ito ng isang yugto na mahigit sa 20 taon (1473-mga 1450 B.C.E.), anupat isinalaysay nito ang tungkol sa pananakop sa Canaan, na sinundan ng pamamahagi ng lupain sa mga Israelita, at nagtapos ito sa mga diskurso ni Josue na nagpasigla sa kanila na maging tapat kay Jehova.
Yamang ang aklat ay naglalaman ng sinaunang pangalan ng mga lunsod (Jos 14:15; 15:15) at ng detalyadong mga tagubilin lakip ang mga ulat kung paano isinagawa ang mga iyon, ipinahihiwatig nito na ang rekord ay isinulat noong panahong nagaganap ang mga pangyayari. (Para sa mga halimbawa, tingnan ang Jos 1:11-18; 2:14-22; 3:2–4:24; 6:22, 23.) Sa katunayan, tinutukoy ng manunulat ang kaniyang sarili bilang kapanahon ni Rahab ng Jerico at samakatuwid ay isa siyang aktuwal na saksi sa mga pangyayari.—6:25.
Autentisidad. Gayunman, inaakala ng ilan na hindi tunay na kasaysayan ang aklat ng Josue. Ito ay pangunahin nang dahil ipinapalagay nila na imposibleng mangyari ang mga himalang binanggit sa aklat, yamang hindi naman nararanasan ang mga ito sa makabagong panahon. Samakatuwid, kinukuwestiyon nito ang kakayahan ng Diyos na magsagawa ng mga himala, kung hindi man pati ang Kaniyang pag-iral, at gayundin ang integridad ng manunulat. Kung ang manunulat ay nagdagdag ng kathang-isip na mga detalye sa kaniyang ulat samantalang nagpapakilala bilang aktuwal na saksi sa mga pangyayari, isa itong tahasang pandaraya. Tiyak na hindi makatuwirang isipin na isang bulaang saksi ang sumulat ng isang aklat na nagpaparangal sa Diyos bilang Tagatupad ng kaniyang salita (Jos 21:43-45), nagpapasigla sa mga tao na maging tapat sa kaniya (23:6-16; 24:14, 15, 19, 20, 23), at hayagang kumikilala sa mga kabiguan ng Israel.—7:1-5; 18:3.
Hindi maitatanggi ninuman na talagang umiral ang bansang Israelita at na sinakop nito ang lupaing inilalarawan sa aklat ng Josue. Gayundin naman, walang makatuwirang saligan upang kuwestiyunin ang pagiging totoo ng ulat ng aklat na iyon hinggil sa kung paano nakuha ng mga Israelita ang pagmamay-ari sa Canaan. Ang autentisidad nito ay hindi pinag-alinlanganan ng mga salmista (Aw 44:1-3; 78:54, 55; 105:42-45; 135:10-12; 136:17-22), ni Nehemias (Ne 9:22-25), ng unang Kristiyanong martir na si Esteban (Gaw 7:45), ng alagad na si Santiago (San 2:25), at ng edukadong apostol na si Pablo (Gaw 13:19; Heb 4:8; 11:30, 31). At iniuulat ng 1 Hari 16:34 ang katuparan ng makahulang sumpa ni Josue na binigkas mga 500 taon ang kaagahan noong panahon ng pagkawasak ng Jerico.—Jos 6:26.
Manunulat. Bagaman kinikilala ng ilang iskolar na ang aklat ay isinulat noong panahon ni Josue o malapit dito, tinututulan nila ang tradisyonal na pangmalas ng mga Judio na si Josue mismo ang sumulat nito. Ang pangunahing dahilan ng kanilang pagtutol ay ang pagkakatala sa aklat ng Josue ng ilan sa mga pangyayari na lumilitaw rin sa aklat ng Mga Hukom, na nagsisimula sa mga salitang, “At pagkamatay ni Josue.” (Huk 1:1) Gayunpaman, ang pambungad na pananalitang ito ay hindi maituturing na indikasyon kung kailan naganap ang lahat ng mga pangyayaring nakaulat sa Mga Hukom. Ang aklat ay hindi nakaayos sa eksaktong kronolohikal na pagkakasunud-sunod, sapagkat may binabanggit ito na isang pangyayaring maliwanag na naganap bago mamatay si Josue. (Huk 2:6-9) Samakatuwid, ang ilang bagay, gaya ng pagbihag ni Caleb sa Hebron (Jos 15:13, 14; Huk 1:9, 10), ni Otniel sa Debir (Jos 15:15-19; Huk 1:11-15), at ng mga Danita sa Lesem, o Lais (Dan) (Jos 19:47, 48; Huk 18:27-29), ay posible ring naganap bago mamatay si Josue. Maging ang pagtitindig ng mga Danita ng isang idolatrosong imahen sa Lais ay maaaring nangyari noong panahon ni Josue. (Huk 18:30, 31) Sa kaniyang pangwakas na payo, sinabi ni Josue sa mga Israelita: “Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog at sa Ehipto, at paglingkuran ninyo si Jehova.” (Jos 24:14) Kung hindi umiiral noon ang idolatriya, walang gaanong kahulugan ang pananalitang ito.
Kung gayon, makatuwirang sabihin na si Josue ang sumulat ng aklat, maliban sa pangwakas na bahagi na nag-uulat ng kaniyang kamatayan. Kung paanong itinala ni Moises ang mga pangyayari noong siya’y nabubuhay, angkop lamang na gayundin ang gawin ni Josue. Ang aklat mismo ay nag-uulat: “Pagkatapos ay isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos.”—Jos 24:26.
Walang Pagkakasalungatan. Inaakala ng ilan na may pagkakasalungatan sa aklat sapagkat pinalilitaw nito na lubusang nasupil ni Josue ang lupain samantalang iniuulat din nito na hindi pa nakukuha ang malaking bahagi niyaon. (Ihambing ang Jos 11:16, 17, 23; 13:1.) Ngunit madaling malulutas ang waring mga di-pagkakatugmang iyon kung isasaisip na may dalawang magkaibang aspekto ang kanilang pananakop. Una, binuwag ng pakikipagdigma ng buong bansa sa ilalim ng pangunguna ni Josue ang kapangyarihan ng mga Canaanita. Pagkatapos nito, kinailangan ang pagkilos ng mga indibiduwal at mga tribo upang lubusang makuha ang pagmamay-ari sa lupain. (17:14-18; 18:3) Malamang na habang nakikipagdigma ang Israel sa ibang lugar, ang mga Canaanita ay muling namayan sa mga lunsod na gaya ng Debir at Hebron anupat kinailangang bawiin ang mga ito sa pamamagitan ng pagsisikap ng partikular na mga indibiduwal o mga tribo.—Ihambing ang Jos 11:21-23 sa Jos 14:6, 12; 15:13-17.
[Kahon sa pahina 1260]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG JOSUE
Ang rekord na naglalahad kung paano ibinigay ni Jehova sa Israel ang lupain ng Canaan, bilang pagtupad sa kaniyang sumpa sa kanilang mga ninuno
Mga pangyayari noong unang 20 taon o mahigit pa pagkamatay ni Moises sa pagtatapos ng pagpapagala-gala ng Israel sa ilang
Inihanda ni Josue ang Israel sa pagpasok sa Canaan; nagsugo siya ng mga tiktik (1:1–2:24)
Inatasan ni Jehova si Josue upang manguna sa mga Israelita sa pagpasok sa lupain
Nag-utos si Josue na tagubilinan ang Israel na maghandang tumawid sa Jordan
Nagsugo siya ng mga tiktik upang magsiyasat sa lupain at sa lunsod ng Jerico
Noong nasa Jerico na ang mga tiktik, itinago sila ni Rahab; nangako sila kay Rahab na siya at ang lahat ng nasa kaniyang bahay na susunod sa ibinigay na mga tagubilin ay pananatilihing buháy kapag winasak na ang Jerico
Tumawid ang Israel sa natuyong Ilog Jordan (3:1–5:12)
Pinabanal ng bayan ang kanilang sarili bilang paghahanda sa pagtawid sa Jordan
Ang mga saserdoteng nagdadala ng Kaban ang unang tumapak sa ilog; ang tubig ay makahimalang naipon na parang prinsa sa isang malayong dako sa itaas ng ilog, at tumawid ang mga Israelita sa tuyong lupa
Bilang pinakaalaala ng kanilang pagtawid, 12 bato ang kinuha sa ilog at ibinunton sa Gilgal; 12 bato rin ang ibinunton sa dakong tinayuan ng mga saserdote sa pinakasahig ng ilog
Tinuli ang mga lalaking Israelita na ipinanganak sa ilang; ipinagdiwang ang Paskuwa; tumigil ang paglalaan ng manna, at ang Israel ay nagsimulang kumain ng bunga ng lupain
Ang pananakop sa Jerico, na sinundan ng pagkatalo sa Ai (5:13–8:35)
Nagpakita kay Josue ang anghelikong prinsipe ng hukbo ni Jehova; sinabi ni Jehova kay Josue kung paano makikipagbaka laban sa Jerico
Sa loob ng sunud-sunod na anim na araw, humayo ang mga Israelita sa palibot ng lunsod nang minsan sa isang araw; noong ikapitong araw, pitong ulit silang humayo sa palibot nito; sa ikapitong pag-ikot, sumigaw sila nang malakas, bumagsak ang mga pader ng Jerico, at itinalaga sa pagkapuksa ang lunsod
Kumuha si Acan para sa kaniyang sarili ng ilan sa bagay na nakatalaga sa pagkapuksa
Dahil sa kasalanang ito, hindi sila tinulungan ni Jehova at ang Israel ay natalo sa Ai; ibinunyag ang kasalanan ni Acan, at siya at ang kaniyang sambahayan ay pinagbabato
Nagtagumpay ang ikalawang pagsalakay laban sa Ai dahil sa pagpapala ni Jehova
Nagtayo si Josue ng isang altar sa Bundok Ebal at binasa niya sa bayan ang Kautusan
Nakipagpayapaan ang mga Gibeonita, ngunit ang iba ay napuksa (9:1–12:24)
Nang mabalitaan ng mga tumatahan sa Gibeon ang mga tagumpay ng Israel, may-katalinuhan nilang dinaya si Josue upang makipagtipan ito sa kanila
Limang hari ang nagkaisang sumalakay sa mga Gibeonita, ngunit sinaklolohan ng Israel ang Gibeon; nagpabagsak si Jehova ng malalaking batong graniso at makahimala niyang pinahaba ang mga oras ng liwanag ng araw, sa gayo’y lubusang natalo ang mga sumasalakay
Sa pangunguna ni Josue, binihag ng mga Israelita ang mga lunsod sa TK at sa T
Nagtagumpay sila laban sa isang koalisyon ng mga hari sa H
Hinati-hati ang lupain sa mga tribo ng Israel (13:1–22:34)
Ang Ruben, Gad, at ang kalahati ng tribo ni Manases ay binigyan ng teritoryo sa S ng Jordan
Ibinigay kay Caleb ang Hebron; ang mga tribo ni Juda, ni Efraim, at ng isa pang kalahati ng Manases ay inatasan ng lupaing mana sa pamamagitan ng palabunutan
Ang tabernakulo ay itinayo sa Shilo, at doon isinagawa ang palabunutan upang maitakda ang mga lupaing mana ng iba pang mga tribo
Ang mga Levita ay binigyan ng 48 lunsod, na ang 13 ay mga lunsod ng mga saserdote; 6 ang ibinukod bilang mga kanlungang lunsod
Ang mga lalaki ng Ruben, Gad, at ng kalahati ng tribo ni Manases ay nagtayo ng isang altar sa tabi ng Jordan; pinaghinalaan ang kanilang motibo ngunit ipinaliwanag nila na iyon ay magsisilbing pinakaalaala ng katapatan kay Jehova
Hinimok ni Josue ang Israel na maglingkod kay Jehova nang may katapatan (23:1–24:33)
Nang siya’y matanda na, pinulong ni Josue ang mga lider ng Israel at pinayuhan sila na manatiling tapat kay Jehova
Sa isang kapulungan sa Sikem, nirepaso niya sa mga Israelita ang mga pakikitungo ng Diyos at pinatibay-loob niya silang matakot kay Jehova at sa Kaniya lamang maglingkod; ipinahayag nila ang kanilang kapasiyahang gawin iyon at muling pinagtibay ang kanilang mga obligasyon may kaugnayan sa tipan
Namatay si Josue