MINA, PAGMIMINA
Paghuhukay sa ilalim ng lupa upang makakita ng mga metal at mahahalagang bato. Isa itong industriya na halos kasintanda ng sangkatauhan. Tinutukoy ng ulat ng Genesis si “Tubal-cain, ang panday ng bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal,” na nabuhay noong mga araw bago ang Baha. (Gen 4:22) Nang isulat ni Moises noong mga 1513 B.C.E. ang paglalarawan sa ilog ng Pison, binanggit niya ang “lupain ng Havila, kung saan may ginto. At ang ginto ng lupaing iyon ay mabuti.” (Gen 2:11, 12) Hindi alam kung ang ginto mula sa Opir ay namina sa mga deposito sa ilalim ng lupa o nakuha sa mga ilog.—1Ha 9:28; Job 28:16.
Malamang na ang mga metal na ito ay halos puro nang matagpuan sa ibabaw ng lupa. Sa kalaunan, nagsagawa rin ng mga pagmimina sa mga deposito sa ilalim ng lupa. Malalalim na daanan ang hinukay patungo sa mga inambatong sagana sa metal. Mga 3,600 taon na ang nakararaan, inilarawan ni Job kung paano “humukay [ang mga minero] ng madaraanan na malayo sa tinitirahan ng mga tao.” Naghanap sila roon “sa karimlan at matinding anino,” anupat sila’y umuguy-ugoy at nagpabitin-bitin sa pagbaba upang makuha ang ninanasang mga metal.—Job 28:1-11.
Nagsasagawa na ng malakihang pagmimina ang mga Ehipsiyo noong panahon ng Pag-alis; nang lisanin ng mga Israelita ang Ehipto, nagdala sila ng mga metal at mahahalagang bato na nang maglaon ay ginamit sa pagtatayo ng tabernakulo. (Exo 12:35, 36; 35:22; 39:6-14) Ang mga minahan ng turkesa ng mga Ehipsiyo ay nasa Peninsula ng Sinai, mga 80 km (50 mi) mula sa Bundok Sinai. Natagpuan ang labí ng mga minahan ng mga Ehipsiyo sa kahabaan ng S baybayin ng Dagat na Pula.
Inilarawan ni Moises ang Lupang Pangako na malapit na noong pasukin ng mga Israelita bilang “isang lupain na ang mga bato ay bakal at mula sa mga bundok niyaon ay magmimina ka ng tanso.”—Deu 8:9; tingnan ang BAKAL; PAGDADALISAY, TAGAPAGDALISAY; TANSO.