SELEUCIA
Isang nakukutaang daungang bayan sa Mediteraneo na ginamit ng Antioquia ng Sirya at mga 20 km (12 mi) sa TK ng lunsod na iyon. Ang dalawang lugar na ito ay pinagdugtong ng isang daan; at ang napaglalayagang Ilog Orontes, na umaagos nang lampas pa sa Antioquia, ay bumubuhos sa Dagat Mediteraneo di-kalayuan sa T ng Seleucia. Kasama si Bernabe, naglayag si Pablo mula sa Seleucia sa pasimula ng kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, noong mga 47 C.E. (Gaw 13:4) Bagaman pagkatapos nito ay hindi na binanggit ang Seleucia sa ulat ng Mga Gawa, malamang na nagkaroon ito ng bahagi sa mga pangyayaring inilahad doon. (Gaw 14:26; 15:30-41) Upang ipakitang iba pa ang lunsod na ito sa ibang mga lugar sa sinaunang Gitnang Silangan na may ganito ring pangalan, kung minsan ay tinatawag itong Seleucia Pieria. Ito ay nasa H lamang ng makabagong-panahong Süveydiye, o Samandag, sa Turkey. Dahil sa banlik mula sa Orontes, ang daungan ng sinaunang Seleucia ay isa nang latian.