KAKAIBANG APOY AT INSENSO
Sa Levitico 10:1, ang salitang Hebreo na zar (pambabae, za·rahʹ; sa literal, kakaiba) ay ginamit may kaugnayan sa ‘kakaibang apoy, na hindi iniutos ng Diyos sa kanila’ ngunit siyang inihandog ng mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu kay Jehova anupat dahil dito ay pinatay Niya sila sa pamamagitan ng apoy. (Lev 10:2; Bil 3:4; 26:61) Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Aaron: “Huwag kayong iinom ng alak o ng nakalalangong inumin, ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo, kapag kayo ay pumapasok sa tolda ng kapisanan, upang hindi kayo mamatay. Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa inyong mga salinlahi, upang makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng banal na bagay at ng di-banal at sa pagitan ng bagay na marumi at ng malinis, at upang ituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng mga tuntunin na sinalita ni Jehova sa kanila sa pamamagitan ni Moises.” (Lev 10:8-11) Waring ipinahihiwatig nito na sina Nadab at Abihu ay lango noon, anupat ito ang nagpalakas ng kanilang loob upang maghandog ng apoy na hindi iniutos sa kanila. Malamang na kakaiba ang apoy na iyon may kinalaman sa panahon, lugar, o paraan ng paghahandog, o maaaring iyon ay insensong naiiba ang komposisyon kaysa sa inilalarawan sa Exodo 30:34, 35. Hindi dahilan ang kalasingan upang hindi sila hatulan sa kanilang pagkakasala.
Ginamit din ang salitang zar, sa Exodo 30:9, may kaugnayan sa pagsusunog ng kakaibang insenso sa ibabaw ng altar ng insenso sa Dakong Banal.—Tingnan ang tlb sa Rbi8.