Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pinarangalan Na Bago Pa Siya Isilang
ANG anghel Gabriel ay katatapos lamang ng pagbabalita sa dalagang si Maria na siya’y magsisilang ng isang sanggol na lalaki na magiging isang haring walang hanggan. Subalit si Maria ay nagtanong, ‘Paano ngang mangyayari ito, yamang hindi ako nasisipingan ng isang lalaki?’
‘Ang banal na espiritu ng Diyos ay sasa-iyo,’ ang paliwanag pa ni Gabriel, ‘kaya naman ang sanggol na lalaki ay tatawaging Anak ng Diyos.’ Upang tulungan si Maria, nagpatuloy pa ng ganito si Gabriel: ‘Ang iyong matanda nang kamag-anak na si Elizabeth, na sang-ayon sa mga tao’y hindi magkakaanak, ay anim na buwan na ngayong nagdadalantao.’ Si Maria ay naniwala kay Gabriel at ang sabi niya: ‘Mangyari nawa ito sa akin gaya ng sinabi mo.’
Pagkatapos noon ay dali-daling umalis si Gabriel, at si Maria ay naghanda na at naparoon upang dumalaw kay Elizabeth na kapiling ng kaniyang asawang si Zacarias sa bulubunduking lupain ng Judea. Buhat sa tahanan ni Maria sa Nasareth, ito’y isang mahabang paglalakbay na marahil gumugol ng tatlo o apat na araw.
Nang sa wakas si Maria’y dumating sa bahay ni Zacarias, siya’y pumasok at naghandog ng pagbati. Nang sandaling iyon si Elizabeth ay napuspos ng banal na espiritu, at ang sabi niya kay Maria: ‘Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang anak na taglay mo. Anong laking pribilehiyo na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin! Sapagkat, narito! sa sandaling narinig ko ang iyong pagbati, ang sanggol sa aking sinapupunan ay lumundag na taglay ang malaking kagalakan.’
Yamang labis-labis ang kagalakan ni Maria, sinabi niya: ‘Mula ngayon lahat ng tao ay tatawagin akong maligaya, sapagkat dakilang mga bagay ang ginawa ng Diyos para sa akin.’ Si Maria ay lumagi kina Elizabeth nang may tatlong buwan, at tiyak na siya’y nakatulong nang malaki samantalang dumaraan si Elizabeth sa mga huling linggo ng kaniyang pagdadalantao. Isang napakainam na bagay na ang dalawang tapat na mga babaing ito, na kapuwa nagdadalantao sa pamamagitan ng tulong ng Diyos, ay nagkasama sa pinagpalang panahong ito ng kanilang buhay!
Napansin ba ninyo na pinarangalan na si Jesus kahit na bago siya isilang? Tinawag siya ni Elizabeth na “aking Panginoon,” at ang kaniyang ipinagbubuntis na sanggol ay lumundag nang buong kagalakan nang unang lumitaw si Maria. Sa kabilang dako, ang iba ay walang gaanong paggalang kay Maria at sa kaniyang dinadalang sanggol, gaya ng makikita natin pagtatagal-tagal. Sa susunod na artikulo, gayumpaman, higit pa ang matututuhan natin tungkol sa sanggol ni Elizabeth, si Juan. Lucas 1:26-56.
◆ Ano ang sinabi ni Gabriel upang tulungan si Maria na maunawaan kung paano siya nagdadalantao?
◆ Paano pinarangalan si Jesus bago pa siya isilang?
◆ Gaano katagal magkasama si Maria at si Elizabeth, at bakit angkop na si Maria ay naging katulong ni Elizabeth sa panahong ito?