Pinalalampas Mo Ba ang Katotohanan?
PAGKATAPOS makaligtas nang pilit sumadsad sa kagubatan ng Amazon ang sinasakyang eruplano, karamihan ng pasahero ay di-gaanong máhihilig na magbigay-pansin sa kanilang paligid. Ngunit anong laking kaibahan ang isang lalaking di-natitigatig at mapagmasid! Siya’y isang geologo, at kaniyang napuna na hubad na hubad ang lugar na sinadsaran ng helikopter. Imbis na palampasin ang pagkakataon, siya’y lalo pang lumapit at nagmasid sa hubad na dakong ito. Agad naman niyang natanto na ang para sa iba’y isa lamang karaniwang lugar ay isa palang pinakamayamang minahan sa daigdig—isang malaking bangan ng mga minang bakal, bauxite, manganese, tanso, at ginto na balang araw kikilalanin bilang ang “bagong El Dorado.”
Pambihira ang taong nagsasamantala sa mga pagkakataon, imbis na palampasin ang mga iyan. Halimbawa, nariyan ang Romanong gobernador na si Poncio Pilato noong unang siglo ng ating Common Era. Isang pambihirang pagkakataon ang napaharap sa kaniya. Sa kaniya’y dinala ng mga lider na Judio ang pinakadakilang guro ng katotohanan na nabuhay kailanman sa lupa, si Jesu-Kristo. Isip-isipin ang dami ng maitatanong ni Pilato! Isipin ang sana’y natutuhan niyang saganang mga katotohanan! At kapuna-puna, nang unang dalhin nila si Jesus sa harap niya, na inaakusahan siya ng pag-angkin ng pagiging “ang hari ng mga Judio,” para bang medyo sabik si Pilato na mapag-alaman ang tungkol doon:
“Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” ang tanong ni Pilato.
Bilang tugon, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito . . . Ukol dito ako’y ipinanganak, at ukol dito naparito ako sa sanlibutan upang ako’y magpatotoo sa katotohanan. Bawat nasa panig na katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” Narito sana ang gintong pagkakataon para kay Pilato. Nasa harap niya ang isang tao na ang buhay ay isang nabubuhay na patotoo sa katotohanan ng mga pangako ng Diyos, isang tao na nahahanda at kaya naman na magpaliwanag sa kaniya higit kaysa kanino mang tao. Subalit ano ba ang naging tugon ni Pilato? “Ano ang katotohanan?” At siya agad-agad ay “lumabas uli at pumaroon sa mga Judio.”—Juan 18:33, 37, 38.
Oo, pinalampas ni Pilato ang katotohanan. Marami sa ngayon ang may ganiyan ding pagkakamali. Ang mismong magasing ito na iyong binabasa, Ang Bantayan, ay inilalathala upang magpaliwanag sa mga tao ng katotohanan. Datapuwat, marami ang tumatanggi na basahin man lamang ito. Ang mga iba ay bumabasa at nasisiyahan sa mga artikulo ngunit hanggang diyan na lamang. Sila kaya ay, tulad ni Pilato, mga taong nagpapalampas sa katotohanan?