Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sa sinaunang Israel ang siklo na may 49 taon ay sinusundan ng isang taon ng Jubileo (ika-50 taon). Ang Jubileo bang iyan ay katumbas ng yugto ng panahon na kasunod ng 49,000 taon ng sanlinggong paglalang ng Diyos?
Dahilan sa ang bilang na 49 ay makikita sa dalawang kaso, baka waring ang Jubileo ay lalarawan sa panahon pagkatapos magwakas ang ‘sanlinggong paglalang’ na may 49,000 taon. Subalit para sa sangkatauhan sa pangkalahatan na tumatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, ang naganap sa panahon ng Jubileo ng Israel ay katumbas lalung-lalo na sa magaganap sa panahon ng Milenyo, ang huling sanlibong taon ng sanlinggo ng paglalang, hindi iyon katumbas ng nagaganap pagkatapos ng sanlinggong iyan. Isaalang-alang ang batayan nito:
Una, kahilingan ng Kautusang Mosaiko na bawat ikapitong taon ay maging isang sabbath para sa lupain; ang lupa ay hindi dapat na tamnan, bukirin, o pag-anihan. Pagkatapos ng ikapitong taóng Sabbath (ang ika-49 taon), nagkakaroon ng isang tanging taóng Jubileo, ang ika-50 taon. Iyon ay isang sabbath na sa panahong iyon ang lupain ay pinagpapahinga uli. Lalong mahalaga, ang kalayaan ay inihahayag. Ang mga Hebreo na nakapagbili ng kanilang sarili sa pagkaalipin ay pinalalaya buhat sa pagkakautang at sa pagkaalipin. At, ang mga lupaing minana ay ibinabalik sa mga pamilya na napilitang magbili niyaon. Kaya’t ang Jubileo ay isang panahon ng kalayaan at pagsasauli sa dati para sa mga Israelita.—Levitico 25:1-46.
Ikalawa, ang pag-aaral ng katuparan ng hula sa Bibliya at ng panahong kinabubuhayan natin sa agos ng panahon ay mariing nagpapakita na ang bawat isa sa mga araw ng paglalang (Genesis, kabanata 1) ay 7,000 taon ang haba. Ayon sa pagkaunawa ang isang libong taon ng paghahari ni Kristo ang katapusan ng 7,000-taon ng ‘kapahingahang araw’ ng Diyos, ang huling ‘araw’ ng sanlinggong paglalang. (Apocalipsis 20:6; Genesis 2:2, 3) Salig sa ganitong pangangatuwiran, ang buong sanlinggong paglalang ay magiging 49,000 taon ang haba.
Palibhasa’y nagkakahawig ang mga bilang, ang 49 na taon ng sinaunang siklo ng Jubileo ay inihambing ng iba sa gayong 49,000 taon ng sanlinggo ng paglalang. Sa ganitong pangangatuwiran, inakala nila na ang Jubileong (ika-50) taon ng Israel ay lumalarawan, o sumasagisag, sa magaganap pagkatapos na magwakas ang sanlinggo ng paglalang.
Datapuwat, isaisip na ang Jubileo ay lalung-lalo na isang taon ng paglaya at pagsasauli sa dati para sa mga tao. Ang sanlinggong paglalang ay may kinalaman lalung-lalo na sa planetang Lupa at sa pag-unlad nito. Ngunit kung tungkol sa katuparan ng layunin ng Diyos para sa tao sa lupa, ang mismong globo ay hindi naman naipagbili sa pagkaalipin at kung gayo’y hindi nangangailangan na palayain. Ang sangkatauhan ang nangangailangan niyan, at ang mga tao ay nabuhay na rito, hindi sa loob ng 49,000 taon, kundi sa loob ng humigit-kumulang 6,000 taon. Ipinakikita ng Bibliya na makalipas ang kaunting panahon pagkalalang kina Adan at Eva, sila’y naghimagsik sa Diyos, at sa ganoo’y naging bihag ng kasalanan, di-kasakdalan, at kamatayan. Sang-ayon sa Roma 8:20, 21, nilayon ng Diyos na Jehova na palayain buhat sa pagkaaliping ito ang sumasampalatayang mga tao. Kaya naman, ang mga tunay na mananambang narito sa lupa ay “palalayain buhat sa pagkaalipin sa kabulukan at magkakaroon ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Tingnan din ang Roma 6:23.
Bagaman ang munting grupo na pinili upang dalhin sa langit ay pinatawad na sa kanilang mga kasalanan mula pa noong Pentecostes 33 C.E. patuloy at sa gayo’y nagtatamasa na ng pagpapala ng Jubileo, ipinakikita ng Kasulatan na ang pagpapalaya sa sumasampalatayang sangkatauhan ay magaganap sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Iyan ay pagka kaniyang ikinapit na sa sangkatauhan ang bisa ng kaniyang inihandog na haing pantubos. Sa katapusan ng Milenyo, ang sangkatauhan ay naisauli na sa kasakdalan ng pagkatao, lubusang napalaya na mula sa minanang kasalanan at kamatayan. Ngayong nalipol na ang huling kaaway (ang kamatayan na minana kay Adan), ang Kaharian ay ibabalik ni Kristo sa kaniyang Ama sa katapusan ng 49,000-taon ng sanlinggo ng paglalang.—1 Corinto 15:24-26.
Kaya naman, para sa sumasampalatayang sangkatauhan na may makalupang mga pag-asa, ang pagpapalaya at pagsasauli na nagaganap sa taon ng Jubileo sa sinaunang Israel ay magkakaroon ng angkop na katumbas sa panahon ng dumarating na Milenyong Sabbath. Kung magkagayon ay mararanasan na ang kalayaan at panunumbalik sa dati. Iyan ay magaganap sa ilalim ng paghahari ni Kristo, “sapagkat Panginoon ng sabbath ang Anak ng tao.”—Mateo 12:8.