Ipagbawal ang mga Bata sa mga Pulong?
‘ANG mga sanggol at mga bata ay hindi dapat dalhin sa bahay ng Diyos.’ Ganiyan ang palagay ng kilalang komentarista sa Bibliya na si Adam Clarke. Gayunman, gumawa siya ng paglalaan para sa dukhang ina na ‘walang sinumang mag-aalaga sa kaniyang anak habang wala siya sa bahay.’ Ang gayong mga ina ay maaaring payagang dalhin sa simbahan ang kanilang mga anak “bagama’t iyon ay hindi kombenyente sa kongregasyon, at sa mga ibang mga ministro, upang mapakinggan ang pag-iyak ng isang bata.”
Ang ganiyang kuru-kuro ni Clarke laban sa bata ay ibinase niya sa teksto sa Bibliya sa Nehemias 8:2, na doo’y mababasa: “At dinala ni Ezra na saserdote ang kautusan sa harap ng kongregasyon ng mga lalaki at gayundin ng mga babae at ng lahat ng may sapat na talino upang makinig.” Gayunman, ang ganiyang interpretasyon ay salungat sa diwa ng Deuteronomio 31:12: “Pisanin mo ang bayan, ang mga lalaki at mga babae at mga bata . . . upang sila’y makinig at upang sila’y matuto.”—Tingnan din ang 2 Timoteo 3:15.
Sa liwanag nito, hindi lumalabas na sa pagsasaayos ng ganitong mga pagtitipon ay sumaisip ni Nehemias na ipuwera ang sinuman. Bagkus, marahil ang intensiyon ng paanyaya ay upang isali ang lahat ng mga “may sapat na talino upang makinig,” upang himukin ang lahat na dumalo! Walang-walang katuwiran kung sasabihin sa mga magulang na iwanan ang kanilang mga anak na walang nag-aasikaso!
Kapuna-puna, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay hinihimok na dalhin sa mga pagtitipong Kristiyano ang kanilang mga sanggol at maliliit na anak. Totoo, kung minsan ay maaaring makalikha ito ng kaunting istorbo at ng bahagyang ligalig para sa mga magulang. Subalit ang mga magulang na Kristiyano ay nagsisikap na sanayin ang kanilang mga anak upang maupong tahimik. Pagsapit ng panahon ang kanilang mga anak na ito ay ‘magkakaroon ng sapat na talino upang makinig’ at matuto ng nagbibigay-buhay na kaalaman.—Hebreo 10:24, 25.