Malungkot ba ang Hinaharap Para sa mga Matatanda Na?
“AKO’Y naging bata,” ang sabi ni Haring David. “At ngayo’y matanda na.” (Awit 37:25) Noong mga sinaunang panahon sa Bibliya ang matatanda na ay isang kinaaalang-alanganang minoridad. Subalit, kung ang kasalukuyang kalakaran ay magpapatuloy baka hindi magtagal at ang matatanda na ay hindi na maging isang minoridad ni kinaaalang-alanganan man.
Sa Estados Unidos lamang, tinataya na may 26 na milyong mga tao na mahigit na 65 taóng gulang. Pagsapit ng taóng 2040 ang bilang na ito ay maaaring maging halos tatlong ulit! Sang-ayon sa magasing Asiaweek, ang ilang mga bansa sa Asia ay “umaasang ang bilang ng kanilang matatanda na ay madudoble sa darating na sampung taon.” Gayunman, ang inaasahang pagdami ng matatanda na nang higit sa kabataan ay hindi nagpapahiwatig ng maganda para sa hinaharap ng mga matatanda na. Ngayon pa lamang, marami na ang namumuhay nang abang-aba o walang mga tahanan. Ang iba ay pinababayaan na lamang sa mga ospital at mga ampunan—nag-iisa, walang dumadalaw, at hindi inaalagaan. Nakagigitlang mga kaso ng pagpapabaya at pag-aabuso ang napapaulat kahit na buhat sa mga bansang dati-rati’y nagpapakundangan sa mga magulang.
Ganito ang isinulat ni G. M. Ssenkoloto para sa magasing World Health: “Kinaugalian na sa karamihan ng mga bansa sa Aprika, at tunay nga na karamihan sa Third World, na bawat pamilya ay nangangalaga sa matatandang babae. Ang isang babae na walang mga anak na mag-aasikaso sa kaniya ay inaalagaan ng mga kapitbahay o ng balana sa nayon.” Subalit, ganito ang kaniyang pag-uulat: “Nagbabago ang mga antigong pamantayan. Ang pag-urong ng ekonomiya, ang maling paggamit sa mga kayamanan, ang paghahangad ng materyal na mga bagay, ang pagpupunyagi para mapataas ang sarili at ang kalagayan sa buhay—lahat ng mga salik na ito ay nananaig laban sa dating positibong mga pamantayan kung tungkol sa pagtangkilik sa matatanda na.”
Ang mga salita ng manunulat ng Bibliya na si Agur ay napatutunayang totoo sa gayon sa malawak na paraan: “May lahi na tumutungayaw sa kanilang ama at hindi pinagpapala ang kanilang ina.” (Kawikaan 30:11) Oo, ang matatanda na ay pinababagsak buhat sa puwesto ng karangalan na kanilang tinatamasa noong nakalipas na mga panahon. Marami ang may palagay na sila’y mga taong dapat ikahiya ng lipunan imbis na ipagkapuri. Sa pangkalahatan, wari ngang malungkot ang kanilang hinaharap.
Datapuwat, paano nga ang pagkamalas sa matatanda na ng mga tunay na Kristiyano? Sila ba’y mayroon din ng “dating positibong mga pamantayan” tungkol sa matatanda na?