Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 3/1 p. 3-4
  • Ano ang Matututuhan Natin sa Paglalang ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Matututuhan Natin sa Paglalang ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Gagamba na Nagbabalatkayong Isang Langgam
    Gumising!—2002
  • Ang Malabong Paningin ng Jumping Spider
    Gumising!—2013
  • Gagamba
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Sekreto ng Sapot ng House Spider
    Gumising!—2014
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 3/1 p. 3-4

Ano ang Matututuhan Natin sa Paglalang ng Diyos?

NASUSUMPUNGAN ng mga kalapati ang kinaroroonan nila sa pamamagitan ng paggamit ng kumpol na mga magnetikong kristal sa kanilang ulo at leeg. May mga isda naman na gumagawa ng kuryente. Ang ilang mga klase ng ibon ay nag-aalis ng labis na asin sa tubig-alat na kanilang iniinom. Ang ibang mga shellfish ay may mga butas na maaaring punuin ng tubig para sa pagsisid o ng gas para makaibabaw uli.

Oo, sa alam man niya o hindi, kailanma’t ang isang tao’y gumagamit ng kompas, gumagawa ng kuryente, nagdidisenyo ng isang submarino, o nag-aalis ng asin sa tubig-alat, ang totoo’y tinutularan lamang niya ang mga paglalang ng Diyos.

Oo, ang paglalang ng Diyos ay napakaraming aral na maibibigay sa tao kung kaya’t tinatawag ito kung minsan na “ang aklat ng kalikasan.” Halimbawa, ang bionics ay isang sangay ng siyensiya na may kinalaman sa praktikal na aplikasyon ng mga sistemang matatagpuan sa paglalang. Kasali na rito ang mga pakpak ng eruplano na may mga bahaging katulad niyaong sa mga ibon, mga submarinong ang korte’y nahahawig sa mga dolphin, at kongkretong mga kayarian na dinisenyo na tulad ng mga buto ng tao. Subalit ang teknikal na kaalaman baga ang lahat na maihahandog ng “aklat ng kalikasan”?

Hindi, kung minsan ay nagbibigay ito ng praktikal na mga aral na may kaugnayan sa moral. Halimbawa, sa pagbanggit sa katutubong katangian ng langgam na kasipagan, ang aklat ng Kawikaan sa Bibliya ay nagpapayo: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka. Bagaman walang tagapag-utos, pangulo o pinuno, siya’y naghahanda ng kaniyang pagkain kahit sa tag-init; kaniyang natipon na ang kaniyang panustos na pagkain kahit sa pag-aani.”​—Kawikaan 6:6-8.

Subalit, ang ethology, isang siyensiyang nag-aangkin na kumukuha ng aral sa ugali ng mga hayop, ay mayroong kaniyang mga limitasyon. Ang pag-uugali ng tao ay hindi maaaring ihanay nang eksakto sa kaugalian ng mga hayop. Ang kapuna-punang mga pagkakaiba, tulad halimbawa ng wika at ng isang higit na masalimuot na sistema ng kaisipan sa tao, ay kailangang isaalang-alang. Gaya ng pagkasabi ng isang siyentipiko: “Tayo’y hindi lamang mas matatalinong mga bakulaw.” Dahil sa ating mga isip tayo ay “may natatanging pagkakaiba sa lahat ng mga iba pang uri ng buhay.”

Isa pa, mayroong mga ilang katanungan na hindi kailanman masasagot kung sa pamamagitan lamang ng isang masinsinang pag-aaral ng paglalang. Kasali na rito ang: Ang buhay ba ay may layunin? Ang Diyos ba ay umiiral, at kung gayon, siya ba ay may malasakit tungkol sa atin? Tingnan natin ngayon kung ang ganiyang mga tanong ay masasagot.

[Kahon/Larawan sa pahina 3]

Ang Paglalang ang Naunang Nagkaroon Nito: Sonar

Ang mga paniki ay nasasangkapan ng isang sistema na medyo nahahawig sa isang sonar, kung kaya’t kanilang nalalaman ang lokasyon at nasusundan ang mga galaw ng kanilang biktima sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga tunog at pag-aanalisa ng mga ugong nito. Subalit may isang klase ng gamugamo (ang dogbane tiger) na may panghadlang na senyas na naglalabas ng mga alon na nahahawig sa taglay ng kaaway nito. Pagka tinanggap na ang senyas, ang paniki, palibhasa’y walang sapat na panahon upang suriin pa kung iyon ay isang balakid o hindi, ay sistematikong umiiwas sa gamugamo.

Si Propesor James Fullard, ng Pamantasan ng Toronto, Canada, ay nagpahayag ng kaniyang paghanga, at ang sabi: “Ang kagila-gilalas na bagay ay ang napakaraming impormasyon na natipon at ang malawak na mga disisyong neurolohikal na naisagawa ng kapuwa mga paniki at ng mga gamugamo, gayong ang ginagamit nila’y isang lubhang limitadong bilang ng mga selula ng nerbiyos. Makikitaan sila ng katipiran at malaking talino na marahil ay kaiinggitan ng mga taong may kinalaman sa estratehiya ng pakikidigma sa himpapawid.”

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

Ang Paglalang ang Unang Nagkaroon Nito: Ang Diving Bell

Humigit-kumulang sa may pasimula ng ika-16 na siglo, sinasabing si Leonardo da Vinci ay nakaimbento ng isang aparato sa pagsisid. Subalit isang gagamba na pinanganlang Argyroneta aquatica ang nakagawa na ng isang sistema para sa paghinga sa ilalim ng tubig. Gaya ng ipinaliwanag ni Andrée Tétry sa kaniyang aklat na Les outils chez les êtres vivants (Mga Kasangkapan na Ginagamit ng mga Nilalang na Buháy), ang gagambang ito ay “tumitira sa mabagal-kumilos na mga ilog doon sa nakalubog na mga halamang pantubig at humahabi sa mga ito ng isang mahusay na lambat-lambat na pahiga, na inilagay sa lugar sa pamamagitan ng maraming sinulid. Pagbabalik sa ibabaw, . . . sa pamamagitan ng biglaang pagbaltak ay hinuhuli ng gagamba sa kaniyang di-tinatagos ng tubig na mga balahibo sa tiyan ang isang bula. . . . Pagkatapos ay sisisid na naman ang gagamba at aaryahan ang bula sa ilalim ng lambat-lambat na mga sinulid na sutla. Pagkatapos ay pumapaibabaw ang bula upang bumuo ng isang bahagyang umbok sa lambat.” Sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpaparoo’t parito, ang gagamba ay nakakatipon ng sapat na hangin upang magugol niya ang maghapon sa ilalim ng kampanilya, kung saan kinakain nito ang biktimang nahuli niya sa buong magdamag. Tungkol dito, isinusog ni Tétry: “Ang aparato ng tao sa pagsisid, samakatuwid nga, ay katumbas ng pinakabukod-tanging mga kauri nito na makikita sa kalikasan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share