Isang Matibay na Tagapagtaguyod ng Katotohanan
SI Martin Poetzinger, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay natapos sa kaniyang makalupang takbuhin bilang isang pinahirang Kristiyano maaga nang kinagabihan ng Huwebes, Hunyo 16, 1988. Sandaling panahon na unti-unting nahulog ang kaniyang kalusugan subalit namatay siya na parang hindi dumanas ng hirap sa Brooklyn Bethel. Ang kaniyang maybahay, si Gertrud, ay nasa kaniyang tabi sa buong panahon ng kaniyang pagkakasakit.
Si Brother Poetzinger ay isinilang noong Hulyo 25, 1904, sa Munich, Alemanya. Siya’y nabautismuhan noong Oktubre 2, 1928, at pumasok sa pagpapayunir noong Oktubre 1, 1930. Noong taglagas ng 1933, siya’y inatasan ng Samahang Watchtower na mangalaga sa mga kapakanang pang-Kaharian sa Bulgaria, subalit hindi natapos ang isang taon at ang mga Saksing tagaibang bansa ay idineporta. Sumunod ay napalipat naman si Brother Poetzinger sa Hungary. Siya’y inaresto nang walang dahilan at idineporta buhat sa bansang iyon, at sumunod ay inatasan siya na maging tagapangasiwa ng isang grupo ng mga payunir sa Yugoslavia. Pagkatapos ng isang malubhang karamdaman, anupa’t kinailangang paospital siya nang matagal sa Zagreb, siya’y nagbalik sa Alemanya.
Si Brother at Sister Poetzinger ay ikinasal noong 1936, subalit nang mismong taon na iyon ay ikinulong siya sa isang piitang kampo dahilan sa pagtangging talikdan ang kaniyang pananampalataya. Ang kaniyang maybahay ay ibinilanggo sa ibang lugar, subalit siya’y dinala sa Dachau at pagkatapos ay sa pinaglilipulang kampo sa Mauthausen, Upper Austria. Doon ang ginamit ng Gestapo ay panggugutom, panggugulpi, at di-mailarawang kalupitan upang pilitin siya at ang mga ibang Saksi na sirain ang kanilang katapatan sa Diyos na Jehova. Subalit si Brother Poetzinger ay kumapit nang mahigpit sa tunay na pananampalataya.
Pagkatapos ng siyam na taon ng malupit na pagkabilanggo, si Brother at Sister Poetzinger ay muling nagkasama noong 1945. Hindi nagtagal pagkatapos, siya’y nagsimulang maglingkod sa gawaing pansirkito sa Alemanya, at nang magtagal si Gertrud ay naglakbay na kasama niya, at gumawang masigasig sa larangan samantalang si Brother Poetzinger ay naglilingkod sa mga kongregasyon. Noong 1958 siya’y nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, at sa pagbabalik niya sa Alemanya, silang mag-asawa ay nagpatuloy sa gawaing paglalakbay hanggang sa sila’y matawag sa paglilingkuran sa Bethel doon noong 1977. Noong Setyembre 1977, si Brother Poetzinger ay inatasan na miyembro ng Lupong Tagapamahala at naparoon sa pandaigdig na punung-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York, mga mahigit na isang taon ang nakalipas. Siya’y naglingkod sa Service Committee ng Lupong Tagapamahala at sa Service Department Committee.
Si Brother Poetzinger ay isang magiting na tagapagtanggol ng katotohanan. Ang kaniyang katapatan at masigasig na pagtataguyod sa organisasyon ni Jehova at sa gawaing pang-Kaharian ay tunay na uliran. Kaya tayo ay nagtitiwala na siya ay kabilang sa mga kinakapitan ng mga salitang ito: “Maligaya ang mga patay na namamatay sa Panginoon . . . Oo, sinasabi ng espiritu, . . . ang mga bagay na kanilang ginawa ay sumusunod sa kanila.”—Apocalipsis 14:13.