Natatandaan Mo Ba?
Nasumpungan mo bang ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan ay may praktikal na kabutihang dulot sa iyo? Kung gayo’y bakit hindi subukin ang iyong memorya sa mga sumusunod?
◻ Ano ang kailangang gawin natin kung ibig nating masaksihan ang pagkakaisa at kapayapaan ng mga tao ng lahat ng lahi na tinutukoy sa Isaias 2:4?
Una, kailangang kilalanin natin na ang ating Maylikha, si Jehova, ay may karapatang turuan tayo “kung tungkol sa kaniyang mga daan.” At ikalawa, kailangang may taimtim na pagnanasa tayo na umayon sa mga kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi: “Tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” (Isaias 2:2, 3)—12/15, pahina 5, 6.
◻ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nasisiraan ng loob at nanghihina dahil sa pambuong daigdig na pagkapoot at pananalansang?
Inihula ni Jesus na ang gayong pananalansang at pagkapoot ay magiging isang nagpapakilalang tanda ng tunay na mga mananamba. (Juan 15:20, 21; 2 Timoteo 3:12) Kaya’t ang mga tagapaghayag ng mabuting balita ay muli’t muling pinaaalalahanan na sila’y may pagsang-ayon ng Diyos. Bukod dito, batid ng mga Saksi ni Jehova na sila’y tinatangkilik ng kataas-taasang Diyos, si Jehova.—1/1, pahina 12.
◻ Ano ang ilan sa mga pangunahing kahilingan na kailangang matugunan natin kung ibig nating sagutin ang ating mga panalangin?
Kailangang taimtim na sumampalataya tayo na umiiral ang Diyos. Kailangang siya’y ating ‘hinahanap nang masikap,’ nagtitiwala na kaniyang gagantimpalaan yaong mga gumagawa ng gayon. (Hebreo 11:6) Gayundin, kailangang lumapit tayo kay Jehova sa pamamagitan lamang ni Jesu-Kristo. (Juan 14:6, 14)—1/15, pahina 4, 6.
◻ Ano ba ang “maka-Diyos na debosyon”? (1 Timoteo 3:16)
Ang maka-Diyos na debosyon ay pagpapakundangan, pagsamba at paglilingkod sa Diyos, taglay ang katapatan sa kaniyang pansansinukob na soberanya.—1/15, pahina 11.
◻ Sino ang “taong tampalasan” na tinutukoy ni Pablo sa 2 Tesalonica 2:3?
Hindi kaisa-isang indibiduwal ang tinutukoy ni Pablo, sapagkat kaniyang sinasabi na ang ganitong “tao” ay umiiral na noong kaarawan ni Pablo at nagpapatuloy na umiral hanggang siya’y puksain ni Jehova sa wakas ng sistemang ito. Samakatuwid, “ang taong tampalasan” ay isang simbolikong pananalita. Ang ebidensiya ay nagpapakita na siya ang lupon ng mapagmataas, ambisyosong mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan, na noong lumipas na mga siglo ay nagtatag ng kanilang sarili bilang siya mismong kautusan.—2/1, pahina 11.
◻ Papaano maaaring maalis ang kasakiman?
Ang kasakiman sa gitna ng mga tao ay maaalis lamang sa pamamagitan ng tumpak na edukasyon at pagsasanay, taglay ang mahigpit na susunding mga alituntunin, o mga tuntunin ng asal, na dapat sundin. Ang gayong edukasyon ay kailangang manggaling sa isang bukal na sa ganang sarili’y walang anumang kasakiman. Tanging ang Diyos ng langit ang makapagbibigay ng ganitong uri ng edukasyon, at ito’y masusumpungan sa kaniyang nasusulat na aklat-aralan, ang Banal na Bibliya.—2/15, pahina 5.
◻ Kung sa personal na pag-aaral ng Bibliya ay hangarin na ito’y magbunga ng pag-unlad ng maka-Diyos na debosyon, ano ba ang dapat makasali sa pag-aaral?
Ang layunin ng personal na pag-aaral ay hindi lamang upang makasaklaw ng maraming pahina ng materyal at sa gayo’y ang isip ay punuin ng impormasyon. Sa halip, pagka isang bahagi ng Salita ng Diyos ang binabasa, dapat magbigay ng panahon sa pagbubulay-bulay sa materyal upang matiyak kung ano ang itinuturo nito tungkol sa mga katangian at daan ni Jehova upang ang estudyante ay maging lalong katulad ni Jehova sa mga pitak na ito.—3/1, pahina 13.
◻ Bakit sa personal na pag-aaral ng Bibliya ay dapat makasali ang regular na pagbabasa ng mga salaysay sa Ebanghelyo tungkol kay Jesus?
Ang halimbawa ni Jesus ay tumutulong sa atin na paunlarin ang maka-Diyos na debosyon. Kilala ni Jesus ang kaniyang Ama nang higit kaysa pagkakilala ng sinuman, kaya kaniyang lubusang matutularan ang mga lakad at katangian ni Jehova. Kung gayon, siya ang nagpakita sa atin ng sakdal na halimbawa ng maka-Diyos na debosyon. (Juan 1:18; 14:9; Roma 13:14)—3/1, pahina 18.
◻ Sa ilustrasyon ni Jesus ng mga talento, ano ba ang ibig sabihin ng ipangalakal ang mga talento? (Mateo 25:19-23)
Ang ibig sabihin ng ipangalakal ang mga talento ay ang may katapatang paggawa bilang mga embahador ng Diyos, paggawa ng mga alagad, at pamamahagi ng espirituwal na mga katotohanan sa sambahayan ng Diyos. (Mateo 24:45; 28:19, 20; 2 Corinto 5:20)—3/15, pahina 13.
◻ Sa anong tatlong dahilan masasabing ang Bibliya’y pambihira kung ihahambing sa iba pang mapagkukunan ng payo?
Una, ang payo na taglay nito ay sa tuwina mapakikinabangan. (Awit 93:5) Ikalawa, ang Bibliya ay subok na ng panahon. (Isaias 40:8; 1 Pedro 1:25) Ikatlo, ang malawak na saklaw ng payo ng Bibliya ay wala pang katulad. Ano man ang ating suliranin, desisyon na kailangan nating gawin, may makikita tayong karunungan sa Bibliya na maaaring makatulong sa atin.—4/1, pahina 13.
◻ Ano ang dalawang hanay ng ebidensiya na nagpapakitang ang Bibliya ay Salita ng Diyos, hindi ng tao?
Ang wala pang nakakatulad na karunungang nasa Bibliya at ang kapangyarihan nito na baguhin ang mga tao. (Kawikaan 2:1, 5, 6; Hebreo 4:12)—4/1, pahina 21.