Siya’y Nakakuha ng Tract sa Riles
ANG taon ay 1921. Sa mga bulubundukin ng Transvaal, isang lalawigan ng Timog Aprika, isang grupo ng mga lalaking nagmementena ng riles ng tren ang gumagawa sa isang panig. Ang kapatas, isang Aprikanong nagngangalang Christiaan Venter, ang nakapansin ng kapirasong papel na nakaipit sa riles. Iyon ay isang tract na lathala ng Watch Tower Bible and Tract Society.
Pagkatapos na pahintuin ang kaniyang mga tauhan, ang tract ay binasa ni Christiaan na taglay ang matinding interes. Siya’y nagtatakbo upang salubungin ang kaniyang manugang na lalaki, si Abraham Celliers, at kaniyang sinabi na labis-labis ang katuwaan: “Abraham, ngayon ay nasumpungan ko na ang katotohanan!”
Hindi nagtagal pagkatapos, sila’y sumulat sa mga tagapaglathala ng tract para humingi ng higit pang impormasyon. Bilang tugon, ang sangay sa Timog Aprika ng Watch Tower Society ay nagpadala ng karagdagang mga babasahin tungkol sa Bibliya. Ang dalawang lalaki ay magkasamang nag-aral niyaon pagkatapos na sila’y makapananghali at hanggang sa kalaliman ng gabi. Hindi nagtagal at kanilang ibinahagi ang katotohanan sa mga kaibigan at mga taong hindi nila kakilala.
Nang bandang huli, kapuwa si Christiaan at si Abraham ay naging nag-alay na mga Saksi ni Jehova. Dahilan sa kanilang sigasig at katapatan, maraming mga taga-Timog Aprika ang natulungan na makaalam ng katotohanan. Bukod diyan, mahigit na isandaan ng kanilang mga inapo ang aktibong mga Saksi ni Jehova ngayon! Isa sa kanila ang naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, at isa naman ang doon naglilingkod sa mga tanggapan ng Watch Tower Society sa Timog Aprika.
Sa ngayon, makalipas ang mga 70 taon, ang mga tract sa Bibliya ay nagpapatuloy na gumanap ng isang mahalagang bahagi sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian.