Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sa Juan 18:15 ay may binabanggit na isang alagad na kilala ng mataas na saserdote. Ito ba ay iyon ding alagad na una pa rito’y tumakas na “hubu’t hubad,” na iniuulat sa Marcos 14:51, 52?
Hindi, wari na ang taong kilala ng mataas na saserdote ay si apostol Juan, samantalang ang alagad na tumakas na “hubu’t hubad” ay si Marcos.
Kung ang mga pag-uulat na ito ay ating kukunin ayon sa panahon ng pagkapangyari, tayo’y magsisimula sa halamanan ng Getsemani. Ang mga apostol ay nakitaan ng takot nang maaresto si Jesu-Kristo. “Siya’y iniwanan ng lahat sa kanila at nagsitakas.” Ang mismong susunod na talata sa pag-uulat ni Marcos ay nagbibigay naman ng kabaligtaran: “Subalit isang binata na nakasuot ng kasuotang pinong lino sa kaniyang hubu’t hubad na katawan ang nagsimulang sumunod sa kaniya sa malapit; at kanilang sinubukan na sunggaban siya, ngunit iniwan niya ang kaniyang kasuotang lino at siya’y tumakas na hubu’t hubad.”—Marcos 14:50-52,
Samakatuwid, ang unang-unang tugon ng 11 apostol ay ipinakikitang naiiba sa tugon ng alagad na ito na hindi binanggit ang pangalan, kaya makatuwirang manghinuha na siya’y hindi isa sa mga apostol. Ang pangyayaring ito ay nakaulat tanging sa ebanghelyo na isinulat ng naunang alagad na si Juan Marcos, ang pinsan ni Bernabe. Kaya, may dahilan na maniwalang si Marcos ang “binata” na sumunod sa dinakip na si Jesus ngunit tumakas nang hindi suot ang kaniyang damit nang sikapin ng mga mang-uumog na pati siya’y hulihin.—Gawa 4:36; 12:12, 25; Colosas 4:10.
Sa isang lugar nang gabing iyon, si Jesus ay sinundan din ni apostol Pedro, samantalang siya’y nasa malayu-layo. Sa ganitong diwa ay may pagkakahawig; ang binatang alagad [si Marcos] ay nagsimulang sumunod kay Jesus ngunit huminto, samantalang noong bandang huli dalawa sa mga apostol na nagsitakas ang nagpatuloy ng pagsunod sa kanilang dinakip na Panginoon. Sa Ebanghelyo ni apostol Juan, ating mababasa: “Ngayon si Simon Pedro at isa pang alagad ang sumusunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng mataas na saserdote at siya’y kasama ni Jesus na pumasok sa looban ng mataas na saserdote.”—Juan 18:15.
Ginagamit ni apostol Juan ang pangalang “Juan” na ang tinutukoy ay si Juan Bautista subalit ang kaniyang sarili ay hindi niya tinutukoy sa pangalan. Halimbawa, kaniyang isinulat na “ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito at siyang sumulat ng mga bagay na ito.” Sa katulad din niyan: “Siyang nakakita rito ay nagpapatotoo, at ang kaniyang patotoo ay tunay, at batid ng taong iyon na ang kaniyang sinasabi ay totoong mga bagay.” (Juan 19:35; 21:24) Pansinin din ang Juan 13:23: “Nakahilig sa harap ng sinapupunan ni Jesus ang isa sa kaniyang mga alagad, at siya’y iniibig ni Jesus.” Iyan ay ilang saglit lamang bago arestuhin si Jesus. Sa pagtatapos ng araw na iyon tinukoy ng nakabayubay na si Jesus ang isang alagad, na binanggit ni Juan sa katulad din na pananalita: “Sa pagkakita sa kaniyang ina at sa alagad na kaniyang minamahal na nakatayo roon, sinabi [ni Jesus] sa kaniyang ina: ‘Babae, narito! Ang iyong anak!’ ”—Juan 19:26, 27; ihambing ang Juan 21:7, 20.
Ang ganitong ugali na hindi tinutukoy ang kaniyang pangalan ay makikita sa Juan 18:15. Isa pa, si Juan at si Pedro ay iniugnay sa ulat pagkatapos ng pagkabuhay-muli sa Juan 20:2-8. Ang mga sinasabi rito ay nagpapahiwatig na si apostol Juan “ang alagad na iyon [na] kilala ng mataas na saserdote.” Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng kaugnay na impormasyon tungkol sa kung papaano nakilala ng taga-Galileang apostol [na si Juan] ang mataas na saserdote, at nakilala naman siya nito. Subalit dahil sa siya’y kilala ng sambahayan ng mataas na saserdote kung kaya nakalampas si Juan sa bantay-pinto at nakaparoon sa looban at natulungan niya si Pedro upang makapasok din.