Ano ang Mangyayari sa mga Banal na Dako ng Sangkakristiyanuhan?
ANG mga tagapaglathala ng aklat na Holy Places of Christendom, na isinulat ng arkeologong si Stewart Perowne, ay nagtatanong: “Sino, sa anumang Kristiyanong tradisyon siya nanggaling, ang makatatayo sa Kalbaryo sa Simbahan ng Resureksiyon [o, Simbahan ng Banal na Sepulcro] sa Jerusalem nang hindi nakadarama ng pagkasindak: sapagkat narito sa isang dakong pinakukundanganan at pinaglalabanan pa nga sa loob ng daan-daang taon, ang mismong sentro ng Sangkakristiyanuhan.”
Walang sinuman na nakapagpatunay na ang simbahang ito ay itinayo sa Kalbaryo, na kinamatayan ni Jesu-Kristo. Ang totoo, bago nagpasiya ang Romanong emperador Constantino na magtayo ng isang simbahan doon, isang paganong templo ang naroon sa lugar na iyon. Isa pa, sinabi ni Jesus: “Ang Diyos ay isang Espiritu, at ang mga sumasamba sa kaniya ay kailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Ang gayong mga mananamba ay hindi sa materyal na mga dakong “banal” sumasamba.
Noong minsan, naroon sa Jerusalem ang templo ng Diyos at sa gayon iyon ang sentro ng dalisay na pagsamba. Subalit, dahilan sa kawalang-katapatan ng mga tao sa siyudad, iyon ay itinakuwil ng Diyos na Jehova, gaya ng inihula ni Jesus. (Mateo 23:37, 38) Inihula rin ni Jesus ang pagkagiba ng sentrong iyan ng relihiyon, na patuloy na itinuturing ng marami na dakong banal. Ang kaniyang mga sinabi ay natupad nang igiba ng mga Romano ang Jerusalem at ang templo niyaon noong 70 C.E.—Mateo 24:15, 21.
Ang hula ni Jesus ay kaylapit-lapit nang magkaroon ng isang lalong malaking katuparan sa buong nasasakupan ng relihiyosong Sangkakristiyanuhan, na kaniyang ipinamamarali na isang dakong banal. Ang Sangkakristiyanuhan at ang kaniyang sagradong mga lugar ay nakaharap ngayon sa pagkapuksa na gagawin sa kaniya ng isang anti-relihiyosong puwersa na tinatawag na “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan.” (Daniel 11:31) Malugod na bibigyan kayo ng mga Saksi ni Jehova ng higit pang impormasyon tungkol sa kung papaano magaganap ang nakagigitlang pangyayaring ito.
[Larawan sa pahina 32]
Isang kapilya sa loob ng Simbahan ng Banal na Sepulcro
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est