Naisauli Na ang Pangalan ng Diyos
“GUMUGOL nang halos 60 taon upang ang pangalan ng Diyos, ‘JHWH,’ na Diyos hindi lamang ng mga Judio kundi pati ng mga Kristiyano, ay mapasauli sa kung saan talagang inilagay iyon ng isang pintor.” Ganiyan ang pagkasabi ng Alemang pahayagan Schwarzwälder Bote tungkol sa pagsasauli ng pangalan ng Diyos sa harap ng town hall sa Horb (bulwagang pambayan), sa timugang Alemanya. Subalit bakit nga ba inalis ang pangalan?
Iniulat ng pahayagan na ang labas ng town hall ay pinintahan bilang palamuti ng mga larawang eksena na nagpapaganda sa harap. Kasali na roon ang Tetragrammaton, apat na mga letrang Hebreo na bumabaybay sa pangalan ng Diyos.
“Ang pangalang ito, na makikitang mahigit na 6,000 beses sa Bibliya,” ang patuloy pa ng pahayagan, “ay ‘Jehova’ o isang pangalan na kahawig sa Aleman. Ang eksaktong bigkas ay hindi maliwanag sapagkat ang nasusulat na Hebreo ay binubuo ng mga katinig lamang. Ang mga patinig ay idinaragdag na ng mambabasa.”
Subalit, noong 1934 ang mga kinatawan ng Partidong Nazi ay nagpasiya na ang Tetragrammaton ay “hindi kasuwato ng kasalukuyang ideolohiya” at sa gayon ay dapat na patungan ng pintura. Nakatutuwa naman, ang Tetragrammaton ay naibalik na muli ngayon. Nagkomento ang pahayagan: “Sa ngayon ang harap ng [town hall], ginayakan ng mga eksenang makasaysayan, mga emblema ng bayan, at mga litrato, ‘ang’ lugar sa Horb na dapat makita ninuman.”