‘Pagkuha ng Kaalaman Tungkol sa Diyos at kay Jesus’
“ITO’Y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ganiyan ang sabi ni Jesus sa panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, at sa ganitong paraan siya’y nagpakita ng isang mahalagang kahilingan para sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan. Subalit bakit nga sa New World Translation ang pagkasalin sa talatang ito ay “pagkuha ng kaalaman tungkol sa . . . Diyos” sa halip na “pagkakilala . . . sa Diyos,” gaya ng pagkasabi sa ibang mga salin ng Bibliya?—Tingnan din ang talababa sa Juan 17:3.
Ang salitang Griego na dito’y isinaling “pagkuha ng kaalaman” o “pagkakilala” ay isang anyo ng pandiwa na gi·noʹsko. At ang pagkasalin sa New World Translation ay may layon na lubusang palitawin hangga’t maaari ang kahulugan ng salitang iyan. Ang saligang kahulugan ng gi·noʹsko ay ‘makilala,’ ngunit ang salitang Griego ay may iba’t ibang antas ng kahulugan. Pansinin iyan sa sumusunod na mga katuturan:
“Ang GINŌSKŌ (γινώσκω) ay nangangahulugan ng pagkuha ng kaalaman, pagkakilala, makilala, maunawaan, o maunawaang lubusan.” (Expository Dictionary of New Testament Words, W. E. Vine) Sa gayon, ang pagsasalin sa gi·noʹsko na “pagkuha ng kaalaman” ay hindi ‘sa binabago ang Bibliya,’ gaya ng ipinaparatang ng mga kritiko ng New World Translation. Sa pagtalakay sa sari-saring antas ng kahulugan ang salita ay maaaring palawakin, ang sabi ng kilalang lexicograpong si James Hope Moulton: “Ang pangkasalukuyang simplex, γινώσκειν, ay may panahunang nagpapatuloy, ‘patuloy na pagkuha ng kaalaman.’ ”—A Grammar of New Testament Greek.
Sa A Grammatical Analysis of the Greek New Testament ay ipinaliliwanag ang gi·noʹsko ayon sa makikita sa Juan 17:3 bilang “nagpapahiwatig ng patuloy na kilos.” Ang isa pang komento sa salitang Griegong ito ay makikita sa Word Studies in the New Testament, ni Marvin R. Vincent. Ito’y nagsasabi: “Ang buhay na walang-hanggan ay nakasalig sa kaalaman, o dili kaya ang pagtataguyod ng kaalaman, yamang ang kasalukuyang panahunan ay nagpapahiwatig ng isang pagpapatuloy, isang progresibong pagkilos.” (Kaniya ang italiko.) Ang Word Pictures in the New Testament ni A. T. Robertson ay nagpapahiwatig ng pagsasalin sa salita na “dapat patuloy na makaalam.”
Samakatuwid, sa orihinal na Griego, ang mga salita ni Jesus sa Juan 17:3 ay nagpapahiwatig ng patuloy na pagsisikap na makilala ang tunay na Diyos at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at ito’y mainam na pinalabas sa pagkasalin ng New World Translation. Ating nakakamit ang kaalamang ito sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng masunuring pag-aayon ng ating buhay sa mga pamantayan nito. (Ihambing ang Oseas 4:1, 2; 8:2; 2 Timoteo 3:16, 17.) Anong mainam na gantimpala ang naghihintay sa mga taong kumukuha ng kaalaman tungkol sa personalidad ng Diyos at ng kaniyang Anak at pagkatapos ay nagsisikap na tularan sila? Buhay na walang-hanggan!