Katulad Ka ba ng Isa sa mga Ito?
‘MAS magaling ang maging isang leon sa maghapon kaysa isang kordero sa isandaang taon.’ May paniwalang ang mga salitang iyan ay nanggaling kay Benito Mussolini, minsa’y naging diktador ng Italya.
Tulad ni Mussolini maraming tao ang tutol na sila’y uriing mga kordero at mga tupa. Gayunman, ang salmista at hari na si David ng sinaunang Israel ay nagsabi: “Si Jehova ang aking Pastol. . . . Pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan.” (Awit 23:1, 2) Oo, si Jehovang Diyos ang Dakilang Pastol, na malumanay na nangangalaga sa kaniyang bayan na para bang sila’y maaamong tupa.
Ang bayan ng Diyos ay tinutukoy na makasagisag na mga tupa sa Awit 95:7, na doo’y ating mababasa: “Sapagkat [si Jehova] ang ating Diyos, at tayo’y bayan ng kaniyang pastulan at mga tupa ng kaniyang kamay.” Inaasahan marahil ng iba na babanggitin ng salmista “ang mga tupa ng kaniyang pastulan” at “ang bayan ng kaniyang kamay.” Subalit dito ang mga bagay ay binaligtad, at ang bayan ni Jehova mismo ay ipinakikilala na kaniyang mga tupa. Kanilang tinatamasa ang kapakinabangan ng pastulan ng Diyos at inaakay ng kaniyang maibiging kamay.
Ang Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, ang Mabuting Pastol. Malimit na tinutukoy niya ang mga tao bilang mga tupa. Halimbawa, may tinukoy si Jesus na isang “munting kawan” at kaniyang mga “ibang tupa.” (Lucas 12:32; Juan 10:14-16) Tungkol sa kaniyang mapagpakumbabang tulad-tupang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin. At sila’y binibigyan ko ng buhay na walang-hanggan, at kailanman ay hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay.” (Juan 10:27, 28) Sa kamay ng isang mapagbigay na tagapamahala, ang mga sakop ay nakikinabang sa kaniyang kapangyarihan, kalinga, patnubay, at proteksiyon.—Apocalipsis 1:16, 20; 2:1.
Hindi maaagaw ng sinuman ang tunay na tulad-tupang mga tao sa nagsasanggalang na kamay ni Jesus. Sa ngayon, kaniyang pinagbubukud-bukod ang mga tao bilang mga “kambing” na wala ng kaniyang pagkalinga o mga “tupa” na magtatamasa ng buhay na walang-hanggan sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos. (Mateo 25:31-46) Ikaw ba’y mapatutunayang isa sa pinagpalang mga tupang iyon?
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Garo Nalbandian