Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 3/15 p. 31-32
  • Ginantimpalaan ng “Putong ng Buhay”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ginantimpalaan ng “Putong ng Buhay”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 3/15 p. 31-32

Ginantimpalaan ng “Putong ng Buhay”

SA ANGHEL ng kongregasyon sa Smirna, si apostol Juan ay sinabihan na sumulat: “Patunayan mong ikaw ay tapat hanggang kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay.” (Apocalipsis 2:8, 10) Samakatuwid, kapuwa malungkot at nakagagalak ang patalastas dito na si Frederick William Franz, pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania at ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., at ng ilan sa iba pang teokratikong mga lupon, ay nakatapos sa kaniyang makalupang landasin noong umaga ng Disyembre 22, 1992.

Iyon ay isang malungkot na patalastas dahil sa ipinababatid niyaon ang wakas ng makalupang mga gawain ng isang pinakamamahal at kilalang tapat na lingkod ni Jehova. Gayunman, iyon ay isa ring masayang patalastas sapagkat sa ating mahal na si Brother Franz ay kumakapit ngayon ang mga salita ng Apocalipsis 14:13: “Maligaya ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon. Oo, sinasabi ng espiritu, hayaan silang magpahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang mga bagay na kanilang ginawa ay sumusunod sa kanila.” Si Brother Franz ay may kahinhinan at mapakumbaba, isang masipag at napakamabungang ministro na lubusang ginamit ng Diyos na Jehova bilang isang miyembro ng “tapat at maingat na alipin” upang tumulong sa paglalaan ng espirituwal na pagkain para sa “magkakasambahay” at sa kanilang mga kasama.​—Mateo 24:45-47.

Si Brother Franz ay isinilang noong Setyembre 12, 1893, sa Covington, Kentucky. Kaniyang narinig ang katotohanan sa pamamagitan ng isang nakatatandang likas na kapatid. Siya noon ay nag-aaral sa Unibersidad ng Cincinnati, naghahanda na maging isang ministrong Presbiteryano. Sa halip, siya’y humiwalay sa Iglesya Presbiteryana at sumama sa mga Estudyante sa Bibliya, na siyang tawag sa mga Saksi ni Jehova noon. Siya’y nabautismuhan noong Nobyembre 30, 1913, at nang sumunod na taon nilisan niya ang unibersidad at pumasok sa gawaing colporteur (payunir). Noong Hunyo 1, 1920, siya’y naging isang miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn. Hindi nagtagal, siya ang pinapangasiwa sa mga gawain ng colporteur, at noong 1926 siya ay inilipat sa kagawaran ng editoryal, na kung saan siya’y naglingkod nang puspusan. Noong 1945, siya’y naging pangalawang pangulo ng Watch Tower Society at ng iba pang kaugnay na mga lupon. Sa pagkamatay ng noo’y pangulong Nathan H. Knorr noong 1977, siya ang naging pangulo ng Watch Tower Society. Siya’y naglingkod sa gayong tungkulin hanggang sa kaniyang kamatayan. Sa panahong kaniyang ikinabuhay, nasaksihan ni Brother Franz ang pagdami ng mga Saksi ni Jehova buhat sa ilang libo hanggang sa umabot ng mga apat at kalahating milyon. Siya’y nagtamasa ng maraming pribilehiyo ng paglilingkod, kasali na ang pagpapahayag sa internasyonal na mga kombensiyon at pagdalaw sa mga sangay at mga tahanang misyonero sa maraming panig ng daigdig. Ang kaniyang talambuhay ay inilathala sa Mayo 1, 1987, labas ng Ang Bantayan.

Noong Lunes ng gabi, Disyembre 28, 1992, ginanap ang isang alaalang serbisyo sa Kingdom Hall ng Brooklyn Bethel. Isang napakainit at nakapagpapatibay ng espirituwalidad na pahayag ang ibinigay ni Brother Albert D. Schroeder ng Lupong Tagapamahala. Pinag-ugnay-ugnay sa pamamagitan ng telepono ang mga pamilyang Bethel sa Watchtower Farms, Patterson, Mountain Farm, at Kingdom Farm, pati na rin ang pamilyang Bethel sa sangay sa Canada.

Lahat, lalo na yaong mga kasamahan niya sa trabaho, ay lubhang mangungulila kay Brother Franz. Siya’y maunawain, nagpapatibay-loob, at matiyaga ng pakikitungo sa lahat ng kaniyang pinaglingkuran at kasama sa paglalakbay. Tunay, ang mga kapananampalataya ay tumugon sa kaniya na taglay ang diwa ng Hebreo 13:7: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, na nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at sa pagdidilidili ninyo ng kanilang pamumuhay ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.”

Noong Disyembre 30, 1992, si Brother Milton G. Henschel ay hinirang bilang ang ikalimang pangulo ng Samahan, upang humalili kay Brother Franz.

[Mga larawan sa pahina 31]

Si Frederick W. Franz noong 1913

Sa pabrika ng Samahan sa Myrtle Avenue noong 1920

Kasama si Nathan H. Knorr sa Yankee Stadium noong 1953

(Nasa pahina 31 ang karugtong)

(Ipinagpatuloy buhat sa pahina 32)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share