Paghahanap ng Natatagong Kayamanan
NOONG 1848 may natuklasang ginto sa may lugar ng Sutter’s Mill sa California, E.U.A. Nang sumapit ang 1849 libu-libo na ang nagdadagsaan sa lugar na iyon sa pag-asang sila’y biglang yumaman, at ang pinakamalaking paghahanap sa ginto sa kasaysayan ng Estados Unidos ay naganap. Sa loob lamang ng isang taon, ang pinakamalapit na daungan, ang San Francisco, ay umunlad mula sa pagiging isang munting bayan hanggang sa maging isang lunsod na may 25,000 mamamayan. Ang pag-asang makatuklas ng biglang kayamanan ay napatunayang isang napakatinding pang-akit.
Batid ni Haring Solomon ng sinaunang Israel kung gaano kasigasig maghukay ang mga tao upang makatuklas ng natatagong kayamanan, at ito nga ang kaniyang tinutukoy nang siya’y sumulat: “Oo, kung hihingi ka ng kaunawaan, at itataas mo ang iyong tinig sa paghingi ng matalinong unawa, kung patuloy na hahanapin mo ito na parang pilak, at patuloy na sasaliksikin mo ito na parang kayamanang natatago, kung magkagayo’y mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos.”—Kawikaan 2:3-5.
Marami kang magagawa sa pamamagitan ng ginto at pilak, subalit higit pa ang magagawa mo sa pamamagitan ng kaunawaan at matalinong unawa. Ang mga ito ay tutulong sa iyo na gumawa ng tamang mga pasiya, lumutas ng mga suliranin, magtagumpay sa pag-aasawa, at makasumpong ng kaligayahan. (Kawikaan 2:11, 12) Gayundin, ang tunay na kaalaman at karunungan ay tutulong sa iyo na makilala ang iyong Maylikha, maunawaan ang kaniyang mga layunin, at sumunod at magbigay-lugod sa kaniya. Ang ginto ay hindi makapagbibigay sa iyo ng alinman sa mga bagay na ito.
Totoo naman ang mga salita ng Bibliya na: “Ang karunungan ay isang kanlungan gaya ng salapi na isang kanlungan, ngunit ang bentaha ng kaalaman ay ito: na inililigtas ng karunungan ang buhay ng mayroon nito.” (Eclesiastes 7:12, New International Version) Samantalang marami ang nangangarap ng biglang yaman, lalong higit na matalino na buklatin ang Bibliya at magsaliksik para makasumpong ng matalinong unawa, kaunawaan, kaalaman, at karunungan na tunay na mga kayamanan.