Lalong Mahalaga Kaysa Korales
Patuloy na dumarami ang mga bisitang natutuwang manood ng mga tanawing katulad nito sa tubig ng Pulang Dagat.
Ang napakaraming isda na may sari-saring kulay ay kabigha-bighani sa mga sumisisid na naka-snorkel sa malinaw na tubig. Subalit pansinin na sa palibot ng makukulay na isdang nakikita rito, may kaakit-akit na pagtatanghal ng iba pang mga kababalaghan sa ilalim ng karagatan, kasali na ang matitingkad-kulay na korales.
Ang magagandang korales ay may maraming hugis at kulay. Gaya ng maguguniguni mo, kahit noong sinaunang panahon ang magagandang piraso ng korales ay lubhang pinahahalagahan. Mula sa mga ito ang bihasang manggagawa ay nakahuhugis ng magagandang hiyas, at ang mga manunulat ng Bibliya ay bumanggit ng korales na kasama ng ginto, pilak, at mga rubi. (Kawikaan 3:14, 15; Ezekiel 27:16) Subalit yaong mga manunulat ay tumutulong sa atin na makita ang higit pa sa kagandahan at kahalagahan ng korales.
Kanilang itinampok na may mga bagay na lalong mahalaga at dapat nating ituring na kayamanan ang mga iyon. Isa na sa mga iyon ang isang mabuti, may-kakayahang asawang babae, sapagkat ating mababasa: “Ang isang may-kakayahang asawang babae sino ang makasusumpong? Ang kaniyang halaga ay makapupong higit kaysa korales.” (Kawikaan 31:10) Ikaw ba ay isang lalaking may asawa? Malasin mo uli ang ubod-gandang korales dito, at bulay-bulayin kung pinahahalagahan mo ang iyong asawa na gaya ng nararapat sa kaniya.
Tayo man ay mga lalaki o babae, may-asawa o wala, ang pagmamasid sa magagandang korales ay dapat tumulong sa atin na pahalagahan ang nakahihigit na maka-Diyos na karunungan, kaunawaan, at kaalaman. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Maligaya ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pakinabang dito ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at sa kalakal na ginto. Mahalaga nga kaysa korales, at lahat ng iba pang kinalulugdan mo ay hindi maihahalintulad dito.”—Kawikaan 3:13-15; 8:11.
Kaya maging kung nakikita natin ang mga iyan pagka tayo’y sumisisid na naka-snorkel o nagmamasid sa mga larawan, ang korales ng Pulang Dagat ay dapat magpahiwatig sa atin ng kapuwa kagandahan at mga bagay na kapaki-pakinabang na bulay-bulayin.