Nakatutugon ba ang Relihiyon sa Iyong mga Pangangailangan?
ANG hangin, tubig, pagkain, tirahan—ang mga ito’y karaniwan nang kinikilala bilang mga pangangailangan ng tao. Kung wala ang mga ito ikaw ay nakaharap sa kahirapan at kamatayan. Gayunman, noong unang panahon, binigyang-pansin ng Israelitang lider na si Moises ang isa pang pangangailangan ng tao, ang isa na higit na mahalaga kaysa pagkain o tubig. Sinabi ni Moises: “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita mula sa bibig ni Jehova nabubuhay ang tao.”—Deuteronomio 8:3.
Sa malalim na mga pananalitang ito, ipinakita ni Moises ang kahalagahan ng pagtugon sa ating mga pangangailangang panrelihiyon o espirituwal. Binanggit niya na ang atin mismong mga buhay ay nakasalalay sa pagtugon sa mga ito! Sa panahon ng kanilang 40-taóng paglalakbay sa ilang, literal na nabuhay ang mga Israelita sa pamamagitan ng ‘mga salita mula sa bibig ni Jehova.’ Sila’y nakaligtas sa isang tiyak na kapahamakan. Sa utos ng Diyos, ang pagkaing tinatawag na mana ay makahimalang bumagsak mula sa langit. Lumabas ang tubig mula sa mga bato upang pawiin ang kanilang uhaw. Ngunit higit pa ang ginawa ng Diyos kaysa pangalagaan lamang ang kanilang pisikal na mga pangangailangan. Sabi ni Moises: “Kung papaano itinutuwid ng tao ang kaniyang anak, ay gayon ka itinutuwid ni Jehovang iyong Diyos.”—Deuteronomio 8:4, 5; Exodo 16:31, 32; 17:5, 6.
Ang mga Israelita’y hindi naman pinabayaan sa paggawa ng kung ano ang mabuti o masama, kung tungkol sa moral o relihiyon. Sila’y tumanggap ng patnubay mula sa Diyos mismo. Ibinigay niya sa kanila ang Batas Mosaiko, ang pambihirang alituntunin ng batas na bumalangkas sa isang tamang paraan ng pagkain, istriktong alituntunin sa kalinisan, at magaling na moral at relihiyosong mga prinsipyo. Kung gayon ay itinaguyod ng Diyos ang kalusugan at espirituwal na kapakanan ng Israel. Sila’y nabuhay sa ‘mga salita mula sa bibig ni Jehova.’
Ang Israel sa gayon ay totoong kakaiba sa ibang mga bansa. Noong kaarawan ni Moises namahala ang Ehipto bilang pangunahing kapangyarihan sa daigdig. Iyon ay isang napakarelihiyosong lupain. Sinasabi ng World Book Encyclopedia: “Naniwala ang sinaunang Ehipto na ang iba’t ibang diyos (bathala at diwata) ay nakaimpluwensiya sa bawat anyo ng kalikasan at bawat gawa ng tao. Sila kung gayon ay sumamba sa maraming diyos. . . . Sa bawat lunsod at bayan sa Ehipto, ang mga tao ay sumamba sa kanilang sariling tanging diyos bukod pa sa pangunahing mga diyos.”
Nasapatan ba ng pagsambang ito sa maraming diyos ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga Ehipsiyo? Hindi. Ang Ehipto ay naging lupaing napalubog sa pamahiin at nakaririmarim na mga gawa ng sekso. Malayo sa pagtataguyod ng buhay at kalusugan, ang paraan ng pamumuhay ng mga Ehipsiyo ay umakay sa “masasamang sakit.” (Deuteronomio 7:15) Kung gayon, hindi kataka-takang hamakin ng Bibliya ang mga diyos ng Ehipto, na tinatawag silang “nakapandidiring mga idolo.”—Ezekiel 20:7, 8.
Gayundin ang kalagayan sa ngayon. Karamihan sa mga tao ay may isang uri ng relihiyosong pananampalataya sa papaano man; ang ilan ay nagsasabing sila’y walang diyos. Maliwanag kung gayon, ang relihiyon sa kabuuan ay hindi nakatugon sa espirituwal na mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang suliranin kaya ng digmaan, pagtatangi ng lahi, gutom, at ang patuloy na kahirapan ay iiral sa ngayon kung ang mga tao’y tunay na nabubuhay “sa bawat salita mula sa bibig ni Jehova”? Siyempre hindi! Gayunman, kakaunting tao ang nag-iisip na palitan ang kanilang relihiyon. Aba, ang ilan ay ni ayaw pag-usapan ang relihiyon o magbigay-pansin sa mga bagong relihiyosong idea!
Halimbawa, sinabi ng isang lalaki mula sa Ghana, Kanlurang Aprika, sa isang ministrong Kristiyano: “Naniniwala akong ipinakilala ng Diyos ang kaniyang sarili sa aming mga Aprikano sa pamamagitan ng aming makapangyarihang mga lalaki’t babaing saserdote, gaya ng pagpapakilala niya sa kaniyang sarili sa mga Judio sa pamamagitan ng kanilang mga propeta. Nakalulungkot lamang na ang ilan sa aming mga Aprikano ay nabigong kilalanin ang aming sariling mga saserdote kundi sa halip ay nagsalita ng tungkol kay Jesus, Muhammad, at iba pa.”
Sa maraming tradisyunal na mga lipunang Aprikano, ang Kristiyanismo ay itinuturing bilang relihiyon ng mga puti—isang inangkat na sistema na nagbunga ng mas maraming kasamaan kaysa kabutihan. Subalit ang pagbibingi-bingihan ba ay makatutulong o makasasagabal sa iyong pagsisikap na masapatan ang iyong espirituwal na mga pangangailangan? Sinasabi ng isang kawikaang Aprikano: “Hindi mo idadawdaw ang iyong dalawang kamay sa mangkok dahil lamang sa iyong gutom.” Ang gayong paraan ng pagkain ay kapuwa kawalang-galang at mapanganib—lalo na kung hindi mo alam kung ano ang nasa mangkok! Gayunman, marami ang pumipili ng kanilang relihiyon, hindi batay sa masinsinang pagsusuri, kundi batay sa emosyon o tradisyon ng pamilya.
Ang pagsambang nakasasapat sa iyong espirituwal na mga pangangailangan ay dapat na “isang banal na paglilingkod taglay ang iyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Iyon ay dapat na maging isang may kabatiran, matalinong pagpili. Ating suriin kung gayon ang isyu ng pagpili ng relihiyon ng isa mula sa pangmalas ng mga Aprikano. Gayunman, ang susunod ay pupukaw ng interes ng mga mambabasa saanman.
[Larawan sa pahina 3]
Ipinakita ni Moises ang kahalagahan ng pagtugon sa ating espirituwal na pangangailangan
[Larawan sa pahina 4]
Ang naging karanasan ng Aprika sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang nagpasara sa mga isipan ng ilan kung tungkol sa Bibliya