‘Ang Isang Pahina ay Maaaring Maglagos sa Kadiliman Gaya ng Isang Bituin’
SA NGAYON, ang mga salin ng Banal na Kasulatan ay karaniwan nang makukuha. Gayunman, ang labanan tungkol sa Bibliya ay kalimitang nangangahulugan ng buhay at kamatayan.
Sa aklat na Fifteenth Century Bibles, sumulat si Wendell Prime: “Tatlumpung taon matapos maimbento ang paglilimbag, ang Inkisisyon ay isang lubusang tagumpay sa Espanya. Sa 342,000 katao na pinarusahan sa pamamagitan nito sa bansang iyan 32,000 ang sinunog nang buháy. Ang Bibliya ang naghatid sa kanila sa mga lagablab ng pagkamartir. Kakila-kilabot din sa Italia ang makinang ito ng pagpuksa, kapuwa sa hilaga at sa timog. Ang mga arsobispo, sa tulong ng Inkisisyon, ay mistulang mga apoy na lumalamon kapuwa ng mga Bibliya at ng mga mambabasa nito. Ginawa ni Nero ang ilang Kristiyano na liwanag sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila, samantalang nakasilid sa mga sako, nababalot ng alkitran, anupat ginagamit sila na mistulang mga kandila upang tumanglaw sa tanawin ng kaniyang labis na kahalayan. Subalit ang mga lansangan ng mga lunsod sa Europa ay naglagablab likha ng mga pagsunog sa Bibliya. Ang mga Bibliya ay hindi gaya ng mga mambabasa nito na maaaring gutumin, hubaran, pahirapan, putul-putulin ang iba’t ibang bahagi ng katawan, at ituring na mga taong itinakwil. Kahit ang isang pahinang nakaligtas ay maaaring maglagos sa kadilimang ito gaya ng isang bituin.” (Amin ang italiko.)
Ang inilalarawan ng awtor na si Prime ay aktuwal na naganap sa pahina ng Bibliya na nakalarawan dito. Ito ang colophon page, samakatuwid baga, ang huling pahina ng aklat na may nakasulat na nagpapakilala sa nagsalin. Ang dalawang magkaagapay na tudling sa gawing itaas ay ang panghuling mga talata ng Apocalipsis, o ang aklat ng Pagsisiwalat.
Tungkol sa aklat na ito, ang The Cambridge History of the Bible ay nagsasabi: “Ang salin ng Bibliya sa wikang Catalan ni Bonifacio Ferrer ay nilimbag sa Valencia, 1478; lahat ng maaaring makuhang mga sipi ay sinira ng Inkisisyon bago sumapit ang 1500, subalit ang isang pahina ay nakaligtas sa aklatan ng Hispanic Society of America.” (Amin ang italiko.)
Binanggit din ni Wendell Prime: “Sa mga klerigong nangatakot ay walang mabubuting Bibliya kundi ang ipinasunog na mga Bibliya. Ang banal na mga sunog na ito ay higit pang madalas at maliwanag kung hindi lamang sa kakulangan ng panggatong. Sa maraming lugar ay walang mga sigâ ng mga Bibliya dahil lamang sa ang mga maykapangyarihan ay naging masugid sa paghahanap sa lahat ng Bibliya anupat naubos na ang mga Bibliyang susunugin.” Sa kabila ng gayong matinding pagsisikap na wasakin ang mga Bibliyang nilayong mapasakamay ng karaniwang mga tao, maraming sipi ang nailigtas. Isinusog ni Prime: “Ang mga Bibliya ay nailigtas dahil sa dala ang mga ito ng mga bihag, o dahil sa itinago ang mga ito na gaya ng mahahalagang bato at mga metal sa mga panahon ng kagipitan at panganib.”
Ang propeta ng Diyos na si Isaias ay sumulat: “Lahat ng laman ay luntiang damo . . . Ang luntiang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; ngunit ang salita ng ating Diyos, ito ay mamamalagi magpakailanman.” (Isaias 40:6, 8) Sa nakalipas na daan-daang taon, pulu-pulutong ng mga mangingibig sa Bibliya at maraming tagapagsaling malalakas ang loob ang nalagay sa malaking panganib at lubhang nagdusa alang-alang sa Salita ng Diyos. Gayunpaman, hindi sana ito nakaligtas kung sa pagsisikap lamang ng tao. Ukol sa pagkaligtas na ito, pinasasalamatan natin ang Awtor ng Bibliya, si Jehova.
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Sa kagandahang-loob ng The Hispanic Society of America, New York