Ang Nangamatay na mga Mahal Mo sa Buhay—Nasaan Sila?
SIRANG-SIRA ang loob ni Alec. Sa loob ng isang linggo, siya’y nawalan ng dalawa sa kaniyang mga kaibigan. Isa sa kanila, si Nevil, ay namatay dahil sa tama ng baril. Ang isa naman, si Tony, ay nasawi sa isang aksidente sa awto. Bumabagabag ngayon sa 14-anyos na kabataang ito sa Timog Aprika ang mga tanong na dati’y hindi nakabahala sa kaniya. ‘Bakit nga ba kailangan pang mamatay ang mga tao? At ano ang nangyayari pagkatapos ng kamatayan?’ ang ipinagtataka niya.
Sa kaniyang pagpunta sa libing ni Nevil, taimtim na umaasa si Alec na masasagot ang mga tanong niyang ito. “Ngunit,” naalaala niya, “bumasa lamang ang pari buhat sa isang aklat at sinabing si Nevil ay nagpunta sa langit. Pagkatapos, sa pinaglibingan, sinabi niyang tayo’y naghihintay ng pagkabuhay-muli. Ako’y nalito. Kung si Nevil ay nasa langit, papaano siya makapaghihintay ng pagkabuhay-muli?”
Nang dakong huli sa araw ring iyon, dumalo si Alec sa libing ni Tony. Ang serbisyong punô ng mga ritwal ay ginanap sa isang wika na hindi niya maintindihan. Gayunman, ang paghuhumiyaw sa pananangis ng ilang nagluluksa ay nakakumbinsi kay Alec na walang anumang naidulot na kaaliwan. “Nang gabing iyon,” ang paliwanag niya, “ako’y lubhang nabalisa. Ako’y nakadama ng panghihina at kalituhan. Walang sinumang makapagbigay ng nakasisiyang mga kasagutan sa aking mga tanong. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, talagang nag-isip ako kung mayroon ngang Diyos.”
Bawat taon angaw-angaw, tulad ni Alec, ang nauulila sa kanilang mga mahal sa buhay. “Sa buong daigdig,” ang paliwanag ng 1992 Britannica Book of the Year, “50,418,000 ang nangamatay noong 1991.” At ilang milyon pa ang nangamatay magbuhat noon? Gunigunihin ang mga luhang tumulo sa mga naulila! Nagdaragdag sa kanilang kalumbayan ang kalituhan na likha ng nagkakasalungatang mga paniniwala tungkol sa kamatayan.
Samakatuwid ay marami, tulad ni Alec, ang nabibigo at nag-aalinlangan kung mayroong anumang saligan ng pag-asa sa isang panghinaharap na buhay pagkatapos ng kamatayan. Ayon sa Encyclopedia of Religions, “sa lahat ng panahon, ang palaisip na mga tao ay humiwalay sa karamihan, . . . nag-aalinlangan kung papaanong ang indibiduwal na kaluluwa o buhay ay makaiiral na hiwalay sa indibiduwal na utak at katawan.”
Kawili-wili, inaamin ng binanggit na ensayklopidiya na ang relihiyosong teoriya ng isang walang-kamatayang kaluluwa bilang umiiral nang hiwalay sa katawan ay walang suporta sa Bibliya. Totoo, sa ilang bahagi, ang Bibliya ay tumutukoy sa “kaluluwa” ng isang tao bilang umaalis at nagbabalik pa nga sa isang patay na katawan, subalit sa mga pagkakataong ito ang “kaluluwa” ay ginagamit sa diwa ng “buhay,” na nawala o muling nakamit. (Genesis 35:16-19; 1 Hari 17:17-23) Mas malimit, ang salitang “kaluluwa” ay ginagamit sa Bibliya upang ilarawan ang nakikitang mga nilikha na may taglay na laman at dugo, oo, mga kinapal na nabubuhay. (Genesis 1:20; 2:7) Sa gayon, ang Bibliya ay paulit-ulit na nagsasabing ang mga kaluluwa ay namamatay. (Ezekiel 18:4, 20; Gawa 3:23; Apocalipsis 16:3) Sinasabi ng Salita ng Diyos na minsang mamatay ang mga kaluluwa, sila’y “walang kamalayan sa anuman.”—Eclesiastes 9:5, 10.
Sa kabilang panig, ang Bibliya ay may mga pag-uulat tungkol sa mga taong binuhay-muli. Sa kaso ni Lazaro, ito’y nangyari pagkatapos na siya’y apat na araw nang patay. (Juan 11:39, 43, 44) Kung gayon, ano ang mangyayari sa mga tao na nangamatay daan-daan o libu-libong taon na ang lumipas? Sa kanila bang pag-asa para sa hinaharap na buhay ay nangangailangan na muling buhayin ng Diyos ang katawan ding iyon na taglay nila nang sila’y mangamatay?
Hindi. Ang gayong kaisipan ay hindi kasuwato ng nangyayari sa mga atomo na bumubuo ng isang patay na katawan. Pagsapit ng panahon, ang ilan sa mga atomo ring ito ay sinisipsip ng pananim na kinukunsumo naman ng ibang mga kinapal at nagiging bahagi ng kanilang katawan.
Ito ba’y nangangahulugan na wala nang pag-asa ang mga taong matagal nang patay? Hindi. Ang Maylikha ng ating malawak na uniberso ay may kagila-gilalas at walang-hanggang memorya. Sa nasasaklaw ng kaniyang sakdal na memorya, siya’y may kakayahang tandaan ang personalidad at henetikong mga katangian ng sinumang taong namatay na ibig niyang alalahanin. Bukod dito, ang Diyos na Jehova ay may kapangyarihang muling lalangin ang katawan ng isang tao taglay ang eksaktong genetic code ng isang taong nabuhay noon pang una. Mailalagay rin niya rito ang memorya at personalidad ng isa na inaalaala niya, gaya ni Abraham.
Halos dalawang libong taon pagkamatay ni Abraham, si Jesu-Kristo ay nagbigay ng ganitong katiyakan: “Na ang mga patay ay ibabangon maging si Moises ay nagbunyag, sa ulat tungkol sa tinikang-palumpong, nang tawagin niya si Jehova na ‘ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Lucas 20:37, 38) Bukod kina Abraham, Isaac, at Jacob, ang angaw-angaw na iba pang mga taong nangamatay ay buháy sa alaala ng Diyos, naghihintay ng darating na pagkabuhay-muli. “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid,” ang patotoo ng Bibliya.—Gawa 24:15.
Mga ilang linggo pagkatapos ng kaniyang pamimighati, nasumpungan ni Alec ang mga sagot sa kaniyang mga tanong. Isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniyang tahanan at ipinakita sa kaniya ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa kamatayan at tungkol sa pagkabuhay-muli. Ito’y nagbigay ng kaaliwan kay Alec at nagdulot ng bagong kahulugan sa kaniyang buhay.
Ikaw ba ay nagnanais ding matuto ng higit pa tungkol sa salig-Bibliyang pag-asa ng pagkabuhay-muli? Halimbawa, ang karamihan ba ng mga pagkabuhay-muli ay magaganap sa langit o sa lupa? At ano ang kailangang gawin ng isang tao upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos at maranasan ang katuparan ng Kaniyang kahanga-hangang pangako na ang mga tao’y maaaring makasamang-muli ng nangamatay na mga mahal nila sa buhay?