Ang mga Pagdiriwang ng Kapanganakan ay Nag-iwan ng Bakas ng Kamatayan
ANG pagdiriwang ng mga kapanganakan ay itinuturing ng karamihan ng tao sa ngayon bilang isa lamang di-nakapipinsalang kaugalian. Subalit ang Bibliya ay hindi gumuguhit ng isang positibong larawan ng tradisyong ito. Unang-una, walang ipinakikita ang Kasulatan na sinuman sa tapat na mga lingkod ng Diyos ay nagdiwang ng kapanganakan.
Ang tanging dalawang kapanganakan na binabanggit ng Bibliya ay yaong sa dalawang tagapamahala na mga kaaway ng Diyos. Sa bawat pagdiriwang ay naganap ang pagpatay, upang ang mga panauhin ay makapagkatuwaan sa kamatayan ng taong hindi nakalugod sa hari. Sa unang pagkakataon, ipinapatay ni Faraon, na hari ng Ehipto, ang kaniyang punong panadero. (Genesis 40:2, 3, 20, 22) Ginawa iyan ng tagapamahalang Ehipsiyo sa panahon ng piging dahil siya’y nagalit sa kaniyang lingkod. Sa ikalawang pagkakataon, si Herodes, ang imoral na tagapamahala ng Galilea, ang nagpapugot sa ulo ni Juan na Tagapagbautismo bilang isang pabor sa isang dalagita na ang pagsasayaw sa piging ay nakalugod sa kaniya. Anong nakasusuklam na mga tanawin!—Mateo 14:6-11.
Subalit hindi ba nagtutok ng pansin ang Bibliya sa dalawang bukod-tanging kapanganakan? Hindi naman. Ang sinaunang Judiong istoryador na si Josephus ay nagsisiwalat na hindi pambihira ang mga pangyayaring ito. Iniulat niya ang iba pang mga halimbawa ng kinaugaliang pagpatay kung pagdiriwang ng kapanganakan upang magdulot ng aliw.
Halimbawa, ang ilan ay naganap pagkatapos na mapuksa ang Jerusalem noong 70 C.E., nang 1,000,000 Judio ang nasawi at 97,000 ang nakaligtas upang dalhing bihag. Samantalang patungo sa Roma, dinala ng Romanong heneral na si Tito ang kaniyang mga bihag sa karatig na daungan ng Cesaria.
Si Josephus ay sumulat: “Samantalang si Tito ay nanatili sa Cesaria, ang kapanganakan ng kaniyang kapatid na si Domitian ay kaniyang ipinagdiwang nang may malaking karangyaan, samantalang mahigit na 2,500 bilanggo ang pinatay sa pamamagitan ng mga laro ng mababangis na hayop at ng apoy. Pagkatapos nito ay lumipat siya sa Berytus [Beirut], isang kolonyang Romano sa Fenicia, na doon niya ipinagdiwang ang kapanganakan ng kaniyang ama sa pamamagitan ng pamamaslang sa marami pang bihag at magarbong mga pagtatanghal.”—The Jewish War, VII, 37, na isinalin ni Paul L. Maier sa Josephus: The Essential Writings.
Hindi nga kataka-taka na ang The Imperial Bible-Dictionary ay magkomento ng ganito: “Minalas ng mga Hebreo noong dakong huli ang pagdiriwang ng mga kapanganakan bilang isang bahagi ng pagsamba sa mga idolo, isang pangmalas na saganang patutunayan ng kanilang nasaksihan sa karaniwang mga pagdiriwang kaugnay ng mga araw na ito.”
Hindi nanaisin ng tapat na mga Kristiyano noong unang siglo na makisali sa isang kaugalian na gayon na lamang kasamâ ang paglalarawan ng Bibliya at lubhang kakila-kilabot na ipinagdiwang ng mga Romano. Sa ngayon, natatalos ng taimtim na mga Kristiyano na ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa mga kapanganakan ay kabilang sa mga bagay na nasulat para sa kanilang ikatututo. (Roma 15:4) Iniiwasan nila ang pagdiriwang ng mga kapanganakan sapagkat ang gayong pagdiriwang ay nagbibigay ng di-nararapat na importansiya sa tao. Lalong mahalaga, may karunungang isinasaalang-alang ng mga lingkod ni Jehova ang nakasásamáng paglalarawan sa Bibliya ng mga kapanganakan.
[Larawan sa pahina 25]
Tanghalan sa Cesaria