Bakit Umuunlad ang mga Balakyot?
“BAKIT kaya ang mga balakyot mismo ay patuloy na nabubuhay?” Ang tanong na ito ay matagal nang ibinangon ng tapat na si Job, at ito ay maraming beses nang inulit sapol noong kaniyang kaarawan. Malamang na ito ang nasa isip ng maraming tao sa teritoryo ng dating Yugoslavia (gaya ng babaing ipinakikita sa aming pabalat) na nagdadalamhati dahil sa mga nagdurusa sa isang kalunus-lunos na digmaan. Bakit kaya ang mga taong balakyot ay nakaliligtas at umuunlad pa nga? Gaya ng binanggit ni Job, madalas na “kapayapaan mismo ang kanilang tahanan, malaya mula sa takot, at ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila.”—Job 21:7, 9.
Nangangahulugan ba ito na walang-kabuluhan ang paglilingkod sa Diyos, ang pag-ibig sa kapuwa, at ang pag-iwas sa paggawa ng mali? Hinding-hindi! Binibigyan tayo ng Bibliya ng tamang pangmalas nang sabihin nito: “Huwag mong sikaping daigin ang mga manggagawa ng kasamaan o tularan yaong gumagawa ng mali. Sapagkat gaya ng damo ay madali silang malalanta, at kukupas na gaya ng luntiang halaman ng tagsibol. Magtiwala ka sa PANGINOON at gumawa ka ng mabuti.”—Awit 37:1-3, The New English Bible.
Oo, ang waring kaunlaran ng mga balakyot ay pansamantala lamang. Sa katunayan, napakaikli ng kanilang buhay, samantalang yaong mga naglilingkod sa Diyos ay may maluwalhating pag-asa para sa hinaharap. Di na magtatagal, ang pangako ng Diyos ay matutupad: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Tanging ang matutuwid, hindi ang masasama, ang makakakita sa panahong iyan. Anong laking pampatibay-loob na lumapit sa Diyos at matutong gawin ang kaniyang kalooban, gaano mang kasamâ yaong mga nasa palibot natin!
Kung nais mo ng higit pang impormasyon o ibig mong may isang dumalaw sa iyo upang magdaos ng isang walang bayad na pantahanang pakikipag-aral sa iyo sa Bibliya, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa angkop na direksiyong nakatala sa pahina 2.