“Ang Kapayapaan ng Diyos na Nakahihigit sa Lahat ng Kaisipan”
SA BUONG kasaysayan, ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay dumanas na ng mga panahon ng matinding pagdadalamhati. Totoong-totoo ito sa ngayon, yamang nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan”! (2 Timoteo 3:1) Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ihagis ang kanilang mga kabalisahan kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin. Ano ang resulta? “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:7.
Ano itong “kapayapaan ng Diyos”? Iyon ay ang kahinahunan na nagbubuhat sa pagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa Maylikha. Ang gayong matalik na kaugnayan ay nagbibigay sa atin ng tiwala na, anuman ang ating mga kabalisahan, “hindi pababayaan [ni Jehova] ang kaniyang bayan; hindi niya iiwan yaong mga kabilang sa kaniya.”—Awit 94:14, Today’s English Version.
Hindi ito nangangahulugan na ligtas na tayo sa mga kahirapan. “Marami ang kadalamhatian ng matuwid,” ang isinulat ng salmista. (Awit 34:19) Subalit ang kapayapaan ng Diyos ay nagdudulot ng kaginhawahan. Papaano?
Ang kapayapaan ng Diyos ay “nakahihigit sa lahat ng kaisipan,” ang isinulat ni Pablo—o gaya ng pagkasalin sa Concordant Version, iyon ay “nakatataas sa anumang kalagayan ng isip.” Dahil sa kabalisahan ay makadarama tayo ng sari-saring kapighatian ng damdamin. (Eclesiastes 7:7) Gayunman, gagawin tayong matatag ng kapayapaan ng Diyos, lalo na kapag kailangan natin ang “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Corinto 4:7; 2 Timoteo 1:7.
Higit pa riyan, isang pananggalang din ang kapayapaan ng Diyos. Ito’y “magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan,” gaya ng isinulat ni Pablo sa mga taga-Filipos. Ang salitang Griego na isinaling “magbabantay” ay isang terminong pangmilitar na malamang na nagpapaalaala ng mga sundalo na patuloy na nagbabantay sa araw at gabi. Gayundin naman, ang kapayapaan ng Diyos ay kikilos gaya ng 24-na-oras na bantay para sa ating puso at mga kakayahang pangkaisipan.—1 Corinto 10:13; ihambing ang Efeso 4:26.
Kung isasaalang-alang ang maiigting na hamon na napapaharap sa atin sa ngayon, hindi ba isang bagay na dapat nating ipagpasalamat ang kapayapaan ng Diyos?—Awit 18:2; ihambing ang Exodo 40:38.