Pagkamalikhain—Isang Saganang Kaloob Mula sa Diyos
IPINAGSASAYA ni Jehova ang kaniyang malikhaing mga gawa. (Awit 104:31) Ang labis na kasiyahang natamo niya sa gawang paglikha ay ipinahayag sa Genesis 1:31: “Nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang ginawa at, narito! napakabuti.”
Hindi sinarili ni Jehova ang kagalakang ito. Binigyan niya si Jesus ng pribilehiyo na maging ahente, o paraan, na sa pamamagitan niya’y nilalang ang lahat ng ibang bagay. (Juan 1:3; Colosas 1:16, 17) Bilang “isang dalubhasang manggagawa,” si Jesus man ay “natutuwang lagi sa harap [ni Jehova].”—Kawikaan 8:30, 31.
Subalit ang kakayahan ng pagkamalikhain ay hindi lamang sa langit umiiral. “Iyon ay inilakip sa sangkatauhan,” ang isinulat ni Eugene Raudsepp sa kaniyang aklat na How Creative Are You? Ito’y hindi nagkataon lamang, sapagkat ang tao’y nilalang ayon sa wangis ng Diyos. (Genesis 1:26) Sa gayon ay pinagkalooban ni Jehova ang sangkatauhan ng nakasisiyang mga kakayahan ng pagkamalikhain.—Santiago 1:17.
Samakatuwid, hindi kataka-takang gayon na lamang ang pagsang-ayon ng Bibliya sa pag-awit, pagsayaw, paghabi, pagluluto, bihasang paggawa, at iba pang malikhaing mga pagsisikap. (Exodo 35:25, 26; 1 Samuel 8:13; 18:6, 7; 2 Cronica 2:13, 14) Si Bezalel, isang bihasang manggagawa, ay gumamit ng kaniyang talino sa “pagkatha ng mga gawang kaayaaya” upang makatulong sa pagtatayo ng tabernakulo. (Exodo 31:3, 4) Ang pastol na si Jabal ay maaaring siyang lumikha ng tolda, isang malikhaing tulong sa kaginhawahan para sa buhay na pagala-gala. (Genesis 4:20) Si David ay hindi lamang isang musikero at kompositor, kundi isa ring tagalikha ng bagong mga instrumento sa musika. (2 Cronica 7:6; Awit 7:17; Amos 6:5) Maaaring si Miriam naman ang lumikha ng masayang sayaw bilang pagdiriwang sa makahimalang pagkaligtas ng mga Israelita sa pagtawid sa Dagat na Pula.—Exodo 15:20.
Ang pagkamalikhain ay madalas na isang bagay na mahalaga sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba. May pagkamalikhain na gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon at mga aralin upang ipabatid ang kaniyang mensahe. Ang kaniyang mga tagasunod ay hinimok din na ‘gumawa nang masikap sa pagsasalita at pagtuturo.’ (1 Timoteo 5:17) Oo, ang kanilang gawaing pangangaral ay hindi lamang basta isang rutin. Ito ay isang sining na nangangailangan ng malikhaing mga paraan ng pagtuturo. (Colosas 4:6) Lalo na itong mahalaga kapag nagtuturo sa mga anak.—Deuteronomio 6:6, 7; Efeso 6:4.
Samakatuwid, ibinabahagi ni Jehova sa iba ang kagalakang ibinibigay sa kaniya ng paglikha. Anong saganang kaloob!