Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 5/1 p. 32
  • Ang mga Dukha sa Israel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Dukha sa Israel
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 5/1 p. 32

Ang mga Dukha sa Israel

HINDI layunin ni Jehova na ang sinuman sa mga Israelita ay dumanas ng kahirapan. Ang bansa ay binigyan ng lupain bilang mana. (Bilang 34:2-12) Lahat ng pamilyang Israelita, maliban sa mga Levita, na tumatanggap ng ikapu ng ani ng lupain para sa kanilang paglilingkod sa santuwaryo, ay nakibahagi sa manang iyan at samakatuwid ay may pinagkukunan ng pantustos sa kanilang sarili. (Bilang 18:20, 21) May katatagan ang pagmamay-ari ng mga lupain. Ang mga batas tungkol sa pagmamana ay tumiyak na ang lupain ay patuloy na pangangalagaan ng pamilya o tribo na nagmamay-ari nito. (Bilang 27:7-11; 36:6-9; Deuteronomio 21:15-17) Hindi ito maipagbibili nang permanente. (Levitico 25:23) Sa taon ng Jubileo ang lahat ng minanang lupain na naipagbili ay ibabalik sa kanilang nararapat na may-ari. (Levitico 25:13) Kaya naman kahit nalustay na ng isang tao ang kaniyang materyal na pag-aari, ang mana ay hindi maaaring mawala magpakailanman sa kaniyang angkan.

Ang tapat na pagsunod sa batas ng Diyos ay pangunahin sanang nakahadlang sa paghihirap ng mga Israelita. (Deuteronomio 15:4, 5) Gayunman, kung masuwayin, hindi nila tataglayin ang pagpapala ni Jehova, at ito’y hahantong sa karalitaan bunga ng mga kalamidad gaya ng paglusob ng kaaway na mga hukbo at matinding tagtuyot. (Deuteronomio 28:22-25; ihambing ang Hukom 6:1-6; 1 Hari 17:1; 18:17, 18; Santiago 5:17, 18.) Dahil sa pagiging mga tamad (Kawikaan 6:10, 11; 10:4; 19:15; 20:13; 24:30-34), mga lasenggo, matatakaw (Kawikaan 23:21), o mahihilig sa kalayawan (Kawikaan 21:17), maaaring dulutan ng mga tao ng kahirapan ang kanilang sarili at kani-kanilang pamilya. Saka, maaari ring bumangon ang di-inaasahang mga kalagayan na maglulugmok sa mga tao sa karalitaan. Ang mga namatay ay maaaring may maiiwang mga ulila at mga balo. Ang mga aksidente at pagkakasakit ay maaaring pansamantala o permanenteng makahadlang sa isang tao sa pagganap ng kinakailangang trabaho. Dahil sa mga ito ay masasabi ni Jehova sa Israel: “Hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailanman.”​—Deuteronomio 15:11.

Gayunman, malaki ang nagawa ng Batas upang maging mas madali sa mga dukha na harapin ang kanilang kalagayan. Sa panahon ng pag-aani sila’y may karapatang mamulot sa mga bukirin, taniman, at mga ubasan at, samakatuwid, ay hindi kailangang magpalimos para sa tinapay o bumaling sa pagnanakaw. (Levitico 19:9, 10; 23:22; Deuteronomio 24:19-21) Ang isang nagdarahop na Israelita ay maaaring mangutang ng salapi nang hindi kailangang magbayad ng tubo, at nararapat siyang pakitaan ng espiritu ng pagkabukas-palad. (Exodo 22:25; Levitico 25:35-37; Deuteronomio 15:7-10) Upang makatipon ng salapi, maaari niyang pansamantalang ipagbili ang kaniyang lupain o siya’y magpaalipin. (Levitico 25:25-28, 39-54) Upang hindi mahirapan ang mga dukha, sila’y pinahihintulutan ng Batas na magdala ng di-gaanong mamahaling mga handog sa santuwaryo.​—Levitico 12:8; 14:21, 22; 27:8.

Iniuutos ng batas ng Diyos ang pantay na katarungan kapuwa para sa mayayaman at mga dukha, anupat hindi kinikilingan ang sinuman dahil sa kaniyang posisyon. (Exodo 23:3, 6; Levitico 19:15) Subalit nang mahulog sa pagiging di-tapat ang mga Israelita, nagdusa ng matinding paniniil ang mga dukha.​—Isaias 10:1, 2; Jeremias 2:34.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share