‘O, Kung ang Lahat Sana’y Naging Katulad Nila!’
Ito ang mga salita ng isang kolumnista sa pahayagan sa Luxembourg na Letzebuerger Journal. Sino ba ang kaniyang tinutukoy?
Siya’y nanggaling sa Poland upang dumalo sa selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng kalayaan ng Auschwitz at napansin ang isang grupo na lubhang nagdusa roon ngunit hindi kailanman nabanggit. Sa kaniyang tudling ng Pebrero 2, 1995, ang grupong ito ay kinilala niya bilang ang mga Saksi ni Jehova at siya’y sumulat: “Maging ang pinakamatinding pagkapiit o ang kampong piitan, ni ang banta ng abang kamatayan sa mga baraks ng pagkagutom o sa palakol o sa gilotina ay hindi makapag-uudyok sa kanila na itakwil ang kanilang pananampalataya.” Siya’y nagpatuloy: “Maging ang malulupit na guwardiya ng SS ay nanggilalas sa tibay ng loob na taglay ng mga Saksi ni Jehova sa pagharap sa kanilang kamatayan.”
Hindi hinahanap ng mga Saksi ni Jehova ang kamatayan. Subalit, gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, pinili ng libu-libo sa kanila ang kamatayan sa halip na ikompromiso ang mga simulaing Kristiyano. Dahil sa gayong pananampalataya ay namumukod-tangi sila noong malalagim na araw ng Third Reich.
Nagtapos ang kolumnista: “Oh, kung sana lahat ng tao ay naging katulad ng mga Saksi ni Jehova!” Kung nagkagayon, hindi sana nangyari kailanman ang ikalawang digmaang pandaigdig.