Isang Aral Buhat sa mga Ibon at Bulaklak
ANO ang kadalasang pinagkakaabalahan nang higit sa anupaman ng mga tao sa ngayon? Para sa karamihan, ito ay ang pagkakaroon ng sapat na ikabubuhay ng kanilang pamilya o ang mapahusay pa ang kanilang antas ng pamumuhay.
Ang makaraos sa buhay ay isa ring pangunahing pinagkakaabalahan nang si Jesus ay narito sa lupa. Subalit siya’y nagbabala na ang wastong pagkabahalang ito ay maaaring maging isang pangunahing kabalisahan na hahadlang sa espirituwal na mga bagay. Upang ilarawan ang kaniyang punto, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na pagmasdang mainam ang mga ibon at bulaklak.
Ang mga ibon ay kailangang kumain araw-araw—kung ihahambing ay nang lalong marami dahil sa kanilang mataas na antas ng metabolismo. Isa pa, sila’y hindi makapaghasik ng binhi, makapag-ani, o makapag-imbak ng pagkain para sa hinaharap. Gayunman, gaya ng sabi ni Jesus, sila ay ‘pinakakain ng ating makalangit na Ama.’ (Mateo 6:26) Gayundin, pinararamtan ng Diyos nang pinakamaganda ang kaakit-akit na “mga liryo sa parang.”—Mateo 6:28-30.
Tinitiyak sa atin ni Jesus na kung ang materyal na mga bagay ay lagi nating ilalagay sa tamang dako at uunahin ang espirituwal na mga bagay, titiyakin ng Diyos na magkaroon din tayo ng kinakailangang pagkain at pananamit. Kung pinangangalagaan ng Diyos na Jehova ang mga ibon at bulaklak, tiyak na pangangalagaan din niya ang mga umiibig sa kaniya at ‘patuloy na humahanap muna ng kaharian at ng kaniyang katuwiran.’ (Mateo 6:33) Inuuna mo ba sa iyong buhay ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos?