Kapag “Bale-wala Kung Saanman Humihip ang Hangin”
“KAPAG hindi alam ng isang tao kung anong daungan ang kaniyang patutunguhan, bale-wala kung saanman humihip ang hangin.” Ang mga salitang ito, na sinasabing sa unang-siglong pilosopong Romano na si Lucius Annaeus Seneca, ay nagpapatunay sa isang katotohanang matagal nang kinikilala: Upang ang buhay ay magkaroon ng direksiyon, kailangan ang mga tunguhin.
Gayunman, kadalasan nang ang buhay ay isang walang-direksiyong agos. Marami ang kontento na lamang na makaiwas sa mga bato at mga alimpuyo ng araw-araw na pamumuhay. Palibhasa’y walang tiyak na patutunguhan, sila’y nagiging mistulang alon na “tinatangay ng hangin sa isang sandali at pagkatapos ay itinataboy pabalik.” (Santiago 1:6, “Phillips”) Para sa gayong mga tao, “bale-wala kung saanman humihip ang hangin.”
Ang Bibliya ay nagbibigay ng mga halimbawa niyaong mga may tunguhin, sa gayo’y nagsisilbing mga modelo para sa mga Kristiyano sa ngayon. Si Moises ay ‘tuminging mabuti sa gantimpalang kabayaran.’ (Hebreo 11:26) Si Pablo ay sumulat: “Ako’y tumatakbong tuwiran tungo sa tunguhin upang kamtin ang gantimpala.” Kaniyang hinimok ang mga kapananampalataya na “magkaroon ng ganito ring saloobin.”—Filipos 3:14, 15, “Today’s English Version.”
Samantalang ang mga mata natin ay nakatitig sa mga pangako ng Bibliya, harinawang tularan natin ang pananampalataya ng gayong mga taong may tunguhin.—Ihambing ang Hebreo 13:7.