Takot—Kaibigan o Kaaway?
“Iniisip ko kung papaano ko gustong mamatay. Ayaw kong mabaril, pero kung mangyari iyon, gusto kong mabaril sa ulo mismo, para ako’y mamatay agad.”
NARINIG iyan ng isang reporter para sa Los Angeles Times buhat sa isang 14-na-taóng-gulang na batang babae. Kinakapanayam niya ang mga estudyante tungkol sa mga pagpatay na naganap kamakailan—ang mga kabataan ay pumapatay kapuwa ng mga nasa edad na at ng iba pang kabataan. Ang ulat ay pinamagatang: “Ang Daigdig ng Takot.”
Tiyak na alam mo na marami ang nabubuhay sa isang daigdig ng takot. Takot sa ano? Mahirap bumanggit ng isang espesipikong pagkatakot. Tingnan kung masusumpungan mo sa katabing kahon ang mga bagay na kinatatakutan ng iyong mga kaibigan o ng maraming tao sa inyong lugar. Ang kahon ay buhat sa Newsweek ng Nobyembre 22, 1993, at ipinakikita nito ang resulta ng isang surbey sa “758 bata sa pagitan ng edad na 10 at 17, pati na ang kanilang mga magulang.”
Kung ang mga kabataang iyon ay ngayon kinapanayam, baka bumanggit sila ng karagdagan pang mga dahilan sa pagkatakot, tulad ng mga lindol. Kasunod ng kapaha-pahamak na lindol sa Los Angeles noong Enero 1994, ganito ang ulat ng Time: “Kabilang sa mga sintoma ng post-traumatic stress disorder ay ang di-mapigil na mga alaala ng nakaraang karanasan, bangungot, pagiging labis na mapagbantay at galit tungkol sa kawalang-kakayahan ng isa na supilin ang kaniyang buhay.” Ganito ang sabi ng isang negosyante na nagpasiyang lumipat mula sa lugar na iyon: “Walang anuman ang pinsala. Yung pagkasindak ang matindi. Hihiga ka sa ibaba nang nakasuot ang iyong sapatos. Hindi ka natutulog. Nauupo ka lamang doon at hinihintay iyon gabi-gabi. Hindi iyon kanais-nais.”
“Ninenerbiyos ang mga Hapones Dahil sa Sunud-Sunod na Kapahamakan” ang siyang pamagat na ibinigay sa isang ulat buhat sa Tokyo noong Abril 11, 1995. Ganito ang nakasaad: “Ang pag-atake ng nerve gas . . . ay isang partikular na matinding dagok sa isip ng mga Hapones sapagkat nangyari iyon bilang bahagi ng sunud-sunod na mga pangyayari na sa kabuuan ay lumikha ng pangunahin at bagong kawalang-katiyakan tungkol sa hinaharap. . . . Ang mga tao ay hindi na nakadaramang sila’y ligtas sa mga kalye na dati’y kilala dahil sa pagiging ligtas ng mga ito araw at gabi.” At hindi lamang ang matatanda na ang natatakot. “Sinabi ni Propesor Ishikawa [ng Seijo University] na ang pagkabalisa . . . ay lalo nang matindi sa gitna ng mga kabataan, na malimit ay walang malinaw na larawan ng kung ano ang maaasahan nila sa hinaharap.”
Ipinahihiwatig ng mga ebidensiya na ang isang “lubhang nakapanghihilakbot na pangyayari ay maaaring bumago sa kemistri ng utak, anupat ginagawa ang mga tao na mas sensitibo sa mga bugso ng adrenaline kahit makalipas pa ang mga dekada.” Sinisikap ng mga siyentipiko na maunawaan kung papaano binibigyang-kahulugan ng utak ang isang nakatatakot na situwasyon—kung papaano natin sinusuri ang mga detalye at tinutugon nang may takot. Ganito ang isinulat ni Propesor Joseph LeDoux: “Sa pamamagitan ng pagtuklas sa daanan ng mga neuron na sa pamamagitan niyaon ay natututo ng pagkatakot ang isang nilalang buhat sa isang situwasyon, umaasa kaming maipaliwanag ang pangkalahatang mekanismo ng anyong ito ng memorya.”
Subalit karamihan sa atin ay hindi gaanong interesado hinggil sa kinalaman ng kimika o ng neuron sa saligan ng takot. Maaaring makatotohanan na mas interesado tayo sa mga sagot sa mga tanong tulad ng, Bakit tayo natatakot? Papaano tayo dapat tumugon? May mabuti bang pagkatakot?
Malamang na sasang-ayon ka na kung minsan ay makatutulong sa iyo ang takot. Halimbawa, madilim habang papalapit ka sa iyong bahay. Nakaawáng ang pinto, bagaman iniwan mo iyon na nakasaradong mabuti. Sa bintana ay waring may nakikita kang gumagalaw na mga anino. Bigla kang ninerbiyos, anupat nadaramang may masamang nangyayari. Marahil nasa loob ang isang magnanakaw o isang taong may patalim ang pilit na pumasok.
Ang iyong likas na pagkatakot dahil sa gayong mga situwasyon ay maaaring makapagligtas sa iyo buhat sa di-inaasahang pagpasok sa isang mapanganib na situwasyon. Ang takot ay maaaring makatulong sa iyo na mag-ingat o humingi ng tulong bago mo harapin ang posibleng pinsala. Maraming halimbawa nito: isang karatula na nagbababala sa iyo ng mataas na boltahe; isang patalastas sa radyo tungkol sa isang bagyo na mabilis na papalapit sa inyong lugar; isang nakatutulig na ingay buhat sa makina ng iyong kotse habang nagmamaneho ka sa isang siksikang kalye.
Sa ilang kaso ang pagkadama ng takot ay tiyak na isang kaibigan. Makatutulong ito sa atin upang ipagsanggalang ang ating sarili o kumilos nang may kapantasan. Ngunit alam na alam mo, na ang patuloy o matinding takot ay tunay na hindi isang kaibigan. Iyon ay isang kaaway. Maaaring maging sanhi iyon ng pangangapos ng paghinga, pagbilis ng tibok ng puso, pagkahilo, panginginig, pagduwal, at pagkadama ng pagiging hiwalay sa kapaligiran ng isa.
Masusumpungan mong lubhang kapansin-pansin na tinukoy ng Bibliya na ang ating panahon ay makikilala dahil sa nakatatakot na mga pangyayari sa lupa at dahil sa matinding takot. Papaano nagkagayon, at ano ang dapat na maging epekto nito sa iyong buhay at pag-iisip? Gayundin, bakit masasabi na buhat sa punto de vista ng Bibliya, may isang pang-araw-araw na pagkatakot na partikular na nakatutulong at mabuti? Tingnan natin.
[Kahon sa pahina 3]
Nang itanong kung ano ang pangunahing ikinababahala nila at ng kanilang pamilya, sinasabi ng mga nasa edad na at mga bata na kinatatakutan nila ang:
MGA BATA MGA MAGULANG
56% Marahas na krimen laban sa
isang miyembro ng pamilya 73%
53% Mawalan ng trabaho ang isang
nasa edad na 60%
43% Hindi makabili ng pagkain 47%
51% Hindi kayang magpadoktor 61%
47% Hindi makabayad ng tirahan 50%
38% Miyembro ng pamilya na may
suliranin sa droga 57%
38% Hindi magkasundo ang kanilang pamilya 33%
Pinagmulan: Newsweek, Nobyembre 22, 1993