Ginawa Nila Iyon Dahil sa Pag-ibig
ISANG tapat, mapagpatuloy na biyuda sa Canada ang nagpapalaki ng kaniyang apat na kabataang anak na babae bilang mga tunay na Kristiyano. Napansin ng matatanda sa kongregasyon na maraming dapat kumpunihin sa kaniyang tahanan. Siya ay walang salapi ni kakayahan man na gawin ang trabaho sa ganang sarili. Kaya kasuwato ng simulain na nasa 1 Timoteo 5:9, 10, maingat na isinaayos ng matatanda na gawin ang trabaho para sa kaniya. Papaano?
Gumawa ng mga plano upang umalis muna nang limang araw ang biyuda at ang kaniyang mga anak. Mahigit na 80 sa kongregasyon ang nagbigay ng kanilang buong-pusong suporta, anupat nag-abuloy ng materyales, pondo, at panahon. Mga ilang sandali lamang pagkaalis ng pamilya, ang masisiglang manggagawa ay humugos sa bahay na parang mga bubuyog. Ang buong labas ng bahay ay kinumpuni. Tinagpian ang mga dingding at pinintahan. Niliha ang mga sahig at pinakinis. Naglagay ng bagong baldosa at alpombra. Lahat ng kinakailangang ayusin kung tungkol sa koryente at mga ilaw ay ginawa. Kahit ang mga lumang-luma nang muwebles ay pinalitan. Lubusang naayos ang bahay sa loob lamang ng limang araw!
Ang hugong ng kagalakan at paggawa ay nakatawag ng pansin sa lugar na iyon. Ang isang 80 anyos na kapitbahay ay napukaw nang gayon na lamang sa pagpapagal ng mga Saksi kung kaya nagdala siya ng kaniyang brotsa at iginiit ang pagtulong. Ang amo ng isa sa mga boluntaryo ay nagbigay ng ventilation hood para sa kalan sa kusina. Isa pang amo ang nag-abuloy ng bagong paminggalan. Isang lalaki ang lubhang humanga anupat ibig niyang makaalam pa ng higit tungkol sa mga Saksi ni Jehova. May pananabik niyang tinanggap ang publikasyong Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.
Kitang-kita ang pagkabigla sa mukha ng biyuda at ng kaniyang mga anak nang sila’y bumalik. Gayon na lamang ang pag-agos ng mga luha, ang halakhakan, at pagyayakapan—isang di-malilimutang sandali ng Kristiyanong pag-ibig at damdamin. Talaga naman, ang taimtim na pag-ibig at pagmamalasakit sa nagdarahop na mga miyembro ng kongregasyon ay isang tanda ng tunay na pagka-Kristiyano, sapagkat sumulat si Pablo: “Tunay nga, kung gayon, habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.”—Galacia 6:10.