“Nangangailangan Kayo ng Pagbabata”
“NANGANGAILANGAN [tayo] ng pagbabata,” kung nais nating matanggap “ang katuparan ng pangako.” (Hebreo 10:36) Ipinaliliwanag ng isang iskolar sa Bibliya na ang Griegong salita para sa “pagbabata” na ginamit ni apostol Pablo sa tekstong ito ay ginagamit kung minsan upang ilarawan “ang kakayahan ng isang halaman na mabuhay sa ilalim ng mahirap at di-kaayaayang mga kalagayan.”
Sa kabundukan ng Europa, may tumutubo roon na gayong halaman. Kakatwa naman, ito ay tinawag na live-forever. Sabihin pa, ang alpinong halamang ito ay hindi nabubuhay nang walang-hanggan, subalit ito’y talagang nagtatagal ng maraming taon, anupat namumulaklak nang kaakit-akit tuwing tag-araw. Ipinaliliwanag ng The New Encyclopædia Britannica na ang pangalang live-forever ay ibinigay sa halaman dahil sa “tagal at tibay” nito. (Ang siyentipikong pangalan para sa mga halamang ito ng uring Sempervivum ay nangangahulugan ding “live-forever.”)
Ang kapansin-pansin sa matibay na halamang ito ay na tumutubo ito sa pinakatigang na mga lugar. Masusumpungan ito sa itaas ng mga dalisdis ng bundok na hinahampas ng hangin, kung saan ang temperatura ay maaaring bumulusok nang hanggang 35° C sa loob lamang ng 24 na oras. Maaari itong mag-ugat sa mabatong bitak na may kaunting lupa. Ano ang ilan sa mga dahilan at nakapagluluwat ito sa gayong mahihirap na kalagayan?
Ang live-forever ay may makatas na mga dahon, na maingat na nag-iimbak ng tubig. Dahil dito ay nagagawa nitong samantalahin ang lahat ng halumigmig na makukuha buhat sa ulan o natutunaw na niyebe. Isa pa, kumpul-kumpol ito kung tumubo anupat nagsasanib ang lakas ng mga ito upang makakapit nang mahigpit sa kanilang mabatong suhay. Sa pagkakaroon ng ugat sa mga bitak, may proteksiyon ito laban sa samâ ng panahon, bagaman kakaunti lamang ang lupa. Sa ibang pananalita, nabubuhay ito sa pamamagitan ng pinakamainam na paggamit sa kaniyang mahihirap na kalagayan.
Sa espirituwal na paraan, maaaring masumpungan natin ang ating sarili na nasa mga kalagayang susubok sa uri ng ating pagbabata. Ano ang tutulong sa atin upang makapagbata sa ilalim ng pagsubok? Gaya ng halamang live-forever, maaari tayong magtipon ng nagbibigay-buhay na tubig ng Salita ng Diyos at makisama nang malapitan sa tunay na mga Kristiyano para sa alalay at proteksiyon. Higit sa lahat, gaya ng bulaklak na alpino, kailangan tayong mangunyapit sa ating “bato,” si Jehova, gayundin sa kaniyang Salita at sa kaniyang organisasyon.—2 Samuel 22:3
Tunay na ang halamang live-forever ay isang kaakit-akit na paalaala na, maging sa di-kaayaayang kapaligiran, makapagbabata tayo kung sasamantalahin natin ang mga makukuhang paglalaan. Tinitiyak sa atin ni Jehova na ang gayong pagbabata ay aakay sa ating ‘pagmamana ng mga pangako,’ na sa literal ay mangangahulugang pamumuhay nang walang-hanggan.—Hebreo 6:12; Mateo 25:46.