“Huwag Ninyo Silang Itaboy!”
“KUNG isa sa mga Saksi ni Jehova, o kahit dalawa, ang tumimbre sa inyong pintuan, huwag ninyo silang itaboy!” ang payo ng Corriere della Sera. Tinutukoy ng pahayagan ang isang pangyayari na naganap sa Treviso, hilagang Italya, na doo’y muntik nang mawalan ang isang negosyante ng mahigit na isang milyong lira (mahigit sa $600, U.S.) dahil sa pagtaboy sa dalawang Saksi na dumalaw sa kaniya.
Ayon sa pahayagan, dalawang Saksi ang nagpakilala sa lalaki sa ganitong mga salita: “Ang araw na ito ay isang magandang araw para sa iyo. Kami ay mga Saksi ni Jehova, at may mahalagang bagay kaming ibibigay sa iyo.” Nang magkagayon, isinara ng di-palakaibigang negosyante ang pinto, anupat hindi na sila hinayaang makatapos.
Kung nakinig lamang ang lalaki, nalaman sana niya na pumunta ang mga Saksi sa kaniyang tahanan upang ibalik ang kaniyang pitaka, na natagpuan nila sa isang bangkô sa parke. Kaya ang mga Saksi ay wala nang nagawa kundi ang dalhin ang pitaka lakip na ang laman nito sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. Kinabukasan, ibinalik ito ng mga pulis sa tunay na may-ari.
“Kung iba lamang ang nasa kalagayan ng dalawang kaawa-awang [Saksi],” ang sabi ng Il Gazzettino di Treviso, “marahil ay kaniya nang . . . itinago ang malaking halaga na laman ng pitaka. Subalit hindi ang mga Saksi ni Jehova, na talaga namang lubusang tapat.”
Ano ang nagpapakilos sa mga Saksi ni Jehova upang maging “lubusang tapat”? Iyon ay ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, na kasuwato ng mga turo ni Jesu-Kristo. (Mateo 22:37-39) Iyan din ang dahilan kung bakit nagbabahay-bahay ang mga Saksi ni Jehova upang ihayag ang mabuting balita tungkol sa kahanga-hangang “bagong lupa” na ipinangako ng Diyos na Jehova. Ang gayong mensahe ng pag-asa ay makapupong higit ang halaga kaysa sa alinmang materyal na ari-arian!—2 Pedro 3:13.