Sinuhayan ng Alamat Tungkol sa Baha ang Ulat ng Bibliya
ANG pangglobong Delubyo noong kaarawan ni Noe ay totoong pangyayari sa kasaysayan. Ang mga ulat tungkol sa salaysay ay masusumpungan sa mga kuwento ng maraming iba’t ibang kabihasnan sa buong daigdig. Sa Aprikanong bansa ng Chad, ang tribong Moussaye ay may ganitong paliwanag tungkol sa Baha:
‘Minsan noong malaon nang panahon, sa isang malayong lugar, may nakatirang isang pamilya. Isang araw, ibig ng ina ng pamilyang ito na maghanda ng saganang pagkain para sa kaniyang mga minamahal. Kaya kinuha niya ang kaniyang lusóng upang bayuhin ang butil para maging harina. Noon ay mas mababa ang langit kaysa sa ngayon. Sa katunayan, kung aabutin mo ng iyong kamay, mahahawakan mo iyon. Binayo niya ang butil nang ubod-lakas niya, at ang mijo na binayo niya ay madaling naging harina. Ngunit habang nagbabayo siya, walang-ingat na iniangat ng babae ang pambayo nang napakataas, at nabutas niya ang langit! Karaka-raka, nagsimulang bumuhos sa lupa ang napakaraming tubig. Hindi ito pangkaraniwang ulan. Umulan nang pitong araw at pitong gabi hanggang sa ang buong lupa ay matakpan ng tubig. Habang bumubuhos ang ulan, ang langit ay nagsimulang umangat hanggang sa mapunta iyon sa kinaroroonan nito ngayon—di-maabot ang taas. Ano ngang laking kapahamakan sa sangkatauhan! Mula noon, nawalan na tayo ng pribilehiyong mahawakan ang langit.’
Kapuna-puna, masusumpungan sa buong daigdig ang sinaunang mga kuwento tungkol sa isang pangglobong baha. Ang mga katutubong kabihasnan sa mga lupain sa Amerika gayundin ang mga katutubo ng Australia ay pawang may mga kuwento tungkol dito. Iba-iba ang mga detalye, pero karamihan sa mga kuwento ay may idea na ang lupa ay natakpan ng tubig at iilang tao lamang ang nakaligtas sa isang gawang-taong sasakyan. Ang pagiging malaganap ng ganitong paksa ay karagdagang suhay sa bagay na talagang naganap ang isang pambuong-daigdig na Delubyo, gaya ng iniulat sa Bibliya.—Genesis 7:11-20.