Sino ang Magiging mga Ebanghelisador?
SA ISANG pulong ng World Council of Churches mga 40 taon na ang nakaraan, hinimok ang mga miyembro na “maging masigasig sa espiritu ng pag-eebanghelyo” at turuan ang kanilang mga kawan na “humayo sa pag-eebanghelyo.” Pagkalipas ng limang taon, sumulat ang Katolikong klerigo na si John A. O’Brien tungkol sa pangangailangang magpasok ng mga bagong alagad “sa pamamagitan ng pagpunta sa kanila” at hindi lamang “sa pamamagitan ng pag-upo sa ating tahanan.” At noong Enero 1994, sinabi ni Pope John Paul II na “hindi [ito] ang panahon upang ikahiya ang Ebanghelyo, ito ang panahon upang ipangaral ito nang hayagan.”
Ang pahintu-hintong panawagang ito ukol sa mga ebanghelisador ay maliwanag na ipinagwawalang-bahala. Ganito ang sinabi ng isang artikulo sa pahayagang Illawarra Mercury sa Australia: “Ang mga prominenteng Katoliko sa South Coast ay hindi sabik na isagawa sa kanilang pananampalataya ang pamamaraan na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova.” Sinabi ng isang lalaki na ang pag-eebanghelyo ay talagang “hindi bahagi ng mentalidad ng mga Katoliko.” Nangatuwiran ang isa pa: “Mabuti para sa Simbahan na itaguyod ang sarili nito, subalit hindi sa pamamagitan ng pagkatok sa pintuan. Marahil mas mabuti kung ituturo sa mga paaralan o sa pamamagitan ng pagliham.” Maging ang dekano ng isang katedral sa lugar na iyon ay hindi nakatitiyak kung paano bibigyang-kahulugan ang sinabi ng papa. “Pasisiglahin namin ang mga tao na isagawa ang kanilang nalalamang Ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay,” ang sabi niya. “Kung iyon ay nangangahulugang pagkatok sa pintuan ay hindi ko masasabi.” Akmang-akma ang pagkasabi ng uluhan ng isang artikulo sa pahayagan: “Hindi bibigyang-pansin ng mga Katoliko ang panawagan ng Papa na mangaral.”
Bagaman bigo ang Sangkakristiyanuhan sa pag-eebanghelyo, mahigit sa limang milyong Saksi ni Jehova ang sumusunod sa utos ni Jesus na “humayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20; ihambing ang Gawa 5:42.) Isinasagawa ngayon ang kanilang pangangaral sa bahay-bahay sa mahigit na 230 lupain. Positibo ang mensahe na kanilang dala, anupat nagtatampok sa mga kamangha-manghang pangako ng Bibliya sa hinaharap. Bakit hindi sila kausapin sa susunod na pagdalaw nila?