Sino ang May Kontrol?
“SINO ang namamahala sa sanlibutan?” Kung may magtatanong nito sa iyo, paano mo sasagutin? Karamihan sa mga relihiyosong tao ay baka magsabi na “ang Diyos” o kaya’y “si Jesus.” Ang isang artikulo sa The Freeport News, isang pahayagan sa Bahamas, ay nagbigay ng isang sagot na di-inaasahan ng marami.
“Natagpuan ko ang isang tract sa aking pintuan,” ang pambungad ng sumulat ng artikulo. “Kadalasan ay hindi ko pinapansin ang gayong kalatas, pero sa pagkakataong ito ay ipinasiya kong basahin iyon. Ang pamagat ay nagtatanong, ‘Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan?’ ” Sa pagbasa ng salig-Bibliyang tract, nalaman ng babaing ito na ang tagapamahala ng sanlibutang ito ay hindi ang Diyos ni si Jesus kundi si Satanas na Diyablo.—Juan 12:31; 14:30; 16:11; 1 Juan 5:19.
“Isaalang-alang ang walang-habag na pagmamalabis sa makahayop na kalupitan,” paliwanag ng tract. “Ginamit ng mga tao ang mga gas chamber, mga kampong piitan, mga flamethrower, mga napalm bomb, at iba pang kasuklam-suklam na mga pamamaraan upang walang-awang labis na pahirapan at paslangin ang isa’t isa. . . . Anong mga puwersa ang nag-uudyok sa mga tao sa gayong karima-rimarim na mga gawa o nagmamaniobra sa kanila sa mga kalagayan kung saan kanilang nadarama ang sapilitang paggawa ng mga kalupitan? Napag-isip mo na ba kung baga may isang balakyot, di-nakikitang puwersa na umiimpluwensiya sa mga tao upang gumawa ng gayong mga gawa ng karahasan?” Nakapagtataka ba na tinatawag ng Bibliya si Satanas na ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay”?—2 Corinto 4:4.
Mabuti na lamang, malapit na ang panahon na mawawala na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Oo, ipinangangako ng Bibliya na yaong mga gumagawa ng kalooban ng Diyos ay may pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang matuwid na bagong sanlibutan. (Awit 37:9-11; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Ano ngang laking ginhawa na mawala ang balakyot na impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo!
Pagkatapos banggitin ang buod ng nilalaman ng maliit na tract na ito, nagtapos ang manunulat ng artikulo sa The Freeport News: “Tuwang-tuwa ako at binasa ko ang tract na iyon . . . dahil nababahala rin naman ako tungkol sa kalagayan ng sanlibutan, at kung sino ang may kontrol.”