Sinasagot ang mga Maling Bintang sa Pransiya
KAMAKAILAN ay naging tudlaan ng sunud-sunod na maling bintang ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya. Sinasamantala ang kalunus-lunos na mga pangyayari na kinasasangkutan ng mga relihiyosong kulto sa Europa at Hapón, nagpalaganap ang media ng pinilipit na impormasyon tungkol sa mga Saksi. Sila ay may kamaliang ipinakilala bilang isa sa pinakamalaki at pinakamapanganib na mga kulto.
Sa pagsisikap na ituwid ang mga bagay-bagay, naglathala ang mga Saksi ni Jehova ng isang tract na sumasagot sa mga tanong tulad nito: Sino ang mga Saksi ni Jehova? Mga Kristiyano ba sila? Nagpapagamot ba sila sa mga mediko? Bakit sila nagbabahay-bahay? Paano tinutustusan ang kanilang gawain? Paano tumutulong ang mga Saksi ni Jehova sa pamayanan?
Ang nakapagtuturong tract sa wikang Pranses ay pinamagatang Jehovah’s Witnesses—What You Need to Know. Upang mabigyan ng tract ang pinakamaraming tao hangga’t maaari, nagsaayos ng isang kampanya. Mula Mayo 13 hanggang Hunyo 9, 1996, mahigit sa siyam na milyong kopya ang naipamahagi.
Ang tract na ito ay hinangaan ng marami, kasali na ang mga opisyal ng bayan. “Ikinagagalit ko ang pagpuna na ipinupukol sa mga Saksi ni Jehova,” ang isinulat ng isang konsehal sa rehiyon pagkatapos na mabasa ang tract. “Maraming beses ko nang pinahalagahan ang mapagkawanggawa at walang-pag-iimbot na katangian ng inyong gawain.” Bilang tugon sa tract, ganito ang isinulat ng isang miyembro ng Europeong Parlamento: “Alam na alam ng maraming tao ang pagkakaiba sa pagitan ng mga grupong Kristiyano na kinabibilangan ninyo at ng mga kulto.”
Isang Saksi sa Brittany ang nag-alok ng tract sa isang pari, na malugod namang tumanggap niyaon. “Pinupuri ko kayo sa ginagawa ninyo,” sabi ng pari. Pagkatapos ay idinagdag pa niya: “Pinasisigla ko ang mga miyembro ng aking parokya na patuluyin kayo sa kanilang tahanan at alukin kayo ng isang tasa ng kape. Puwede pa nga ninyong sabihin sa mga natatagpuan ninyo na nanggaling na kayo sa aking tahanan. Gusto ko ring sabihin sa inyo na pinahahalagahan ko ang pagbabasa ng inyong mga publikasyon.”
Pagkatapos matanggap ang tract, sumulat sa Samahang Watch Tower ang isang lalaking Protestante sa Alsace upang humiling ng pag-aaral sa Bibliya. “Palibhasa’y nawalan na ako ng tiwala sa aking simbahan,” ang sulat niya, “umaasa akong magkaroon ng bagong pasimula sa espirituwal na paraan.” Sa kabila ng mga maling paratang na kung minsan ay ibinubunton sa kanila, ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya—sa katunayan, sa lahat ng dako sa daigdig—ay patuloy na tumutulong sa mga tao na matamo ang tumpak na kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos, gaya ng nakasaad sa Bibliya.—2 Timoteo 3:16, 17.