‘Sa Diyos Ako Manganganlong’
SA GANITONG “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” lalong dumarami ang mga tukso at panggigipit. Halimbawa, ang ating pagkamatapat ay maaaring masubok sa dako ng trabaho. Ang kalinisan natin ay maaaring masubok sa gitna ng ating mga kamag-aral. At ang ating integridad ay kadalasang sinusubok ng sanlibutang tiwali sa moral.—2 Timoteo 3:1-5.
Nabuhay din ang manunulat sa Bibliya na si Asap noong panahong palasak ang kabalakyutan. Ipinagyayabang pa nga ng ilan sa kaniyang mga kapanahon ang kanilang di-makadiyos na paggawi. “Ang kapalalua’y gaya ng kuwintas sa kanilang leeg,” ang isinulat ni Asap. “Tinatakpan sila ng karahasan na gaya ng bihisan. Sila’y nanunuya at nagsasalita ng masama; tungkol sa pagdaraya sila’y nagsasalitang may kataasan.” (Awit 73:6, 8) Pamilyar ba sa iyo ang ganitong saloobin?
Para sa mga nagnanais na gumawa ng tama, ang gayong paggawi ay lubhang nakababalisa, nakasisiphayo pa nga. “Buong araw ay sinasalot ako,” ang panaghoy ni Asap. “Iyon ay napakahirap sa aking paningin.” (Awit 73:14, 16) Maaaring gayundin ang madama mo, subalit huwag masiraan ng loob! Napanagumpayan ni Asap ang kabalakyutan noong kaniyang panahon, at magagawa mo rin iyon. Subalit paano?
Natanto ni Asap na halos imposibleng masumpungan ang tunay na katarungan sa ilalim ng di-sakdal na pamamahala ng tao. (Awit 146:3, 4; Kawikaan 17:23) Kaya sa halip na sayangin ang kaniyang mahalagang panahon, lakas, at tinatangkilik sa pagsisikap na alisin ang lahat ng kabalakyutan sa palibot niya, nagtuon siya ng pansin sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. Ganito ang ipinahayag ni Asap: “Para sa akin, mabuti sa akin na lumapit sa Diyos. Ginawa kong aking kanlungan ang Soberanong Panginoong Jehova.”—Awit 73:28.
Sa ngayon, yaong gumagamit ng masasamang pamamaraan sa negosyo ay madalas na nagtatamasa ng mga materyal na pakinabang. Maaari pa ngang ipagyabang ng marami ang kanilang paglabag sa moral na mga batas ng Diyos. Subalit hindi sila mananaig magpakailanman. “Tunay na inilagay mo sila sa madulas na dako,” ang sabi ni Asap. “Inilugmok mo sila sa kapahamakan.”—Awit 73:18.
Oo, sa takdang panahon ng Diyos, ang pandaraya, karahasan, at katiwalian, gayundin ang lahat ng iba pang di-makadiyos na mga gawain na kailangang iwasan ng mga tunay na Kristiyano ay aalisin. Ipinangangako ng Bibliya: “Ang mga manggagawa mismo ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:9) Samantala, maitanyag nawa natin ang mga salita ng salmista na nagsabi: “Si Jehova ang aking malaking bato at ang aking moog at ang Tagapaglaan ng pagtakas para sa akin. Ang aking Diyos ang aking bato. Ako’y manganganlong sa kaniya.”—Awit 18:2.