Kaninong Pangako ang Maaasahan Mo?
NOONG 1893 ay nagpulong ang isang grupo ng 74 na komentarista sa lipunan sa Chicago World’s Fair upang pag-usapan ang kinabukasan. (Ang lokasyon nito ay ipinakikita sa itaas.) Sa pagtingin sa hinaharap 100 taon mula noon hanggang sa 1993, inihula nila ang mga sumusunod bukod sa iba pa: “Maraming tao ang mabubuhay ng 150 taon.” “Uunti ang mga bilangguan at ang diborsiyo ay ituturing na di-kailangan.” “Magiging mas simple ang mga pamahalaan, yamang ang tunay na kadakilaan ay laging nakahilig sa pagiging simple.”
Sa katulad na paraan noong 1967 ay inihula ng isang aklat na pinamagatang The Year 2000: “Pagsapit ng taong 2000, malamang na mapapantayan, matutularan, o mahihigitan ng mga computer ang ilan sa namumukod-tanging ‘likas-sa-tao’ na intelektuwal na mga kakayahan, kasali na marahil ang ilan sa kaniyang kakayahan sa sining at pagkamalikhain.” “Ang ideya tungkol sa di-gaanong mahal na mga robot na gumagawa ng halos lahat ng gawaing-bahay . . . ay waring posible pagsapit ng taong 2000.”
Ipinakikita ng kawalang-kakayahan ng tao na mahulaan nang wasto ang mga mangyayari sa hinaharap ang malaking pagkakaiba sa kakayahan ng Diyos. Halimbawa, ihambing ang nabanggit na mga hula sa inihula ng Bibliya halos 20 siglo na ang nakaraan may kinalaman sa ating panahon: “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”—2 Timoteo 3:1-5.
Ang hulang ito ng Bibliya tungkol sa “mga huling araw” ay isa lamang sa marami na natupad sa ating panahon. Inihula ng Salita ng Diyos na kalakip sa “tanda” ng pagkanaririto ni Jesus ang pandaigdig na digmaan, kakapusan sa pagkain, salot, lindol, at ang pandaigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:3-14; Lucas 21:11.
Ang di-nagkakamaling katiyakan ng mga pangako ng Diyos ay nag-udyok sa isang manunulat sa Bibliya na magsabi maraming siglo na ang nakaraan: “Walang isa mang salita na nagkulang sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos. Lahat ay natupad para sa inyo. Walang isa man sa mga ito ang nagkulang.”—Josue 23:14.
Oo, makatitiyak tayo na lahat ng pangako ng Diyos ay malapit nang matupad. Wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang sakit, krimen, pagkasugapa sa droga, gutom, at digmaan—ang buong daigdig ay magiging paraiso. (Awit 37:10, 11, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Makaaasa ka sa katuparan ng hulang ito! Nagmumula ito sa ating Maylalang, “na hindi makapagsisinungaling.”—Tito 1:2; ihambing ang Hebreo 6:13-19.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Cleveland State University Archive