Ang Sampung Utos
NATUKLASAN ng obispo ng Gloucester sa Inglatera na mahigit na kalahati ng mga klerigo sa kaniyang diyosesis ang hindi masabi ang Sampung Utos, at 10 porsiyento sa kanila ang hindi alam kung saan ito hahanapin sa Bibliya. Ngunit iyan ay 450 taon na ang nakalipas. Bumuti ba ang kalagayan mula noon? Hindi—gaya ng ipinakikita ng isang pasumalang surbey ng Sunday Times sa mga klerigong Anglicano.
Sa 200 klero na kinapanayam, 34 na porsiyento lamang ang nakabanggit sa lahat ng Sampung Utos. Para sa iba pa, inakala ng isa na ang mga ito ay napakanegatibo, at sinabi naman ng iba pa na ang mga ito ay hindi na angkop sa modernong mga hamon sa moral.
Alam mo ba ang Sampung Utos o kung saan masusumpungan ang mga ito? Ang mga ito’y nakatala sa Exodo, ang ikalawang aklat ng Bibliya, ang unang 17 talataExo 20:1-17 ng kabanatang 20. Bakit hindi mo basahin ang mga ito? Narito ang simpleng paraan upang igrupo ang mga ito. Ang unang apat ay patungkol sa ating pagsamba sa Diyos, ang ikalima ay nagtatampok sa buhay pampamilya, ang ikaanim hanggang ikasiyam ay may kinalaman sa ating kaugnayan sa ating kapuwa-tao, at ang ikasampu ay natatangi, anupat pinangyayaring siyasatin natin ang atin mismong puso, upang suriin ang ating mga motibo. Narito ang maikling buod kung paano maaaring ikapit ng mga Kristiyano ang mga simulain.
Una: Ibigay sa ating Maylalang ang bukod-tanging debosyon. Ikalawa: Huwag gumamit ng mga larawan sa pagsamba. Ikatlo: Laging igalang at dakilain ang pangalan ng Diyos. Ikaapat: Maglaan ng panahon upang magtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay, nang walang pang-abala. Ikalima: Mga anak, igalang ang inyong mga magulang. Ikaanim: Huwag kang papatay. Ikapito: Iwasan ang pangangalunya. Ikawalo: Huwag kang magnanakaw. Ikasiyam: Magsabi ng katotohanan. Ikasampu: Iwasan ang kaimbutan.
Ang Sampung Utos ay bahagi ng kodigo ng mga batas na ibinigay kay Moises. Subalit ang mga simulaing kinakatawan nito ay walang hanggan. (Roma 6:14; Colosas 2:13, 14) Dahil dito, ang mga tagasunod ni Jesus ay sumisipi at sumasangguni sa Sampung Utos. (Roma 13:8-10) Mas maligaya—at mas ligtas—sana ang buhay ngayon kung ang lahat ay gumagalang at namumuhay ayon sa kinasihang mga simulaing ito na mula sa Diyos!