“Ito ang Pinakamainam Gamiting Interlinyar na Bagong Tipan”
GANIYAN ang paglalarawan ni Dr. Jason BeDuhn sa The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures. Ganito ang paliwanag niya:
“Katatapos ko lamang magturo ng isang kurso para sa Religious Department ng Indiana University, Bloomington, [E.U.A.] . . . Ito ay pangunahin nang isang kurso sa Mga Ebanghelyo. Dumating ang inyong tulong sa anyo ng mga kopya ng The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures na ginamit ng aking mga estudyante bilang isa sa mga aklat-aralin ng klase. Ang maliliit na tomong ito ay napakahalaga sa kurso at totoong popular sa aking mga estudyante.”
Bakit ginagamit ni Dr. BeDuhn ang salin ng Kingdom Interlinear sa kaniyang mga kurso sa kolehiyo? Sumagot siya: “Sa madaling sabi, ito ang pinakamainam gamiting interlinyar na Bagong Tipan. Ako’y isang bihasang iskolar sa Bibliya, pamilyar sa mga teksto at kasangkapang ginagamit sa modernong pag-aaral sa Bibliya, at, siyanga pala, hindi isang miyembro ng mga Saksi ni Jehova. Pero kilala ko ang isang de-kalidad na publikasyon kapag nakakita ako ng isa, at mahusay ang ginawa ng inyong ‘New World Bible Translation Committee.’ Ang inyong interlinyar na salin sa Ingles ay tumpak at mahigpit ang pagkakasuwato na nagtutulak sa mambabasa na pag-isipang mabuti ang malaking pagkakaiba sa wika, kultura, at ideya sa pagitan ng lipunang nagsasalita ng Griego at ng ating lipunan. Ang inyong ‘New World Translation’ ay isang may-mataas-na-kalidad at literal na salin na umiwas sa tradisyonal na nakaliligaw na pagpapakahulugan upang maingatan ang katapatan nito sa wikang Griego. Ito, sa maraming paraan, ay nakahihigit sa pinakamatagumpay na mga salin na ginagamit sa ngayon.”
Ang The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova upang matulungang maunawaan ng mga umiibig sa Salita ng Diyos ang orihinal na Griegong teksto ng Bibliya. Taglay nito ang The New Testament in the Original Greek sa kaliwang panig ng pahina (tinipon ni B. F. Westcott at F. J. A. Hort). Masusumpungan ang literal na salita-por-salitang salin sa Ingles sa ilalim ng mga hanay ng Griegong teksto. Nasa makipot na tudling sa kanang panig ang New World Translation of the Holy Scriptures, na magbibigay sa iyo ng pagkakataong ihambing ang interlinyar na salin sa isang modernong salin ng Bibliya sa Ingles.