Bakit Hindi Sumama sa Kanila?
SI Ndjaukua Ulimba ay 73 taóng gulang, at siya ay naglakbay ng mga 450 kilometro nitong nakaraang taon. Nilakad niya ang buong distansiyang iyon, at gumugol siya ng 16 na araw.
Ang matandang maginoong ito ay naglakbay nang malayo upang daluhan ang isa sa mga taunang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng kombensiyon, palibhasa’y tuwang-tuwa at napatibay sa espirituwal, naglakad uli siya pauwi—nang 16 na araw na naman. Sulit ba ang kaniyang pagsisikap? Tiyak na oo! Mga ilang beses nang naglalakbay nang ganito si Ndjaukua taun-taon.
Ang Aprikanong ito ay isa sa mahigit na 15 milyon buhat sa 230 lupain na dumalo sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova nitong nakaraang taon. Sabihin pa, ang mas marami ay hindi naman kinailangang maglakad nang ilang araw sa pagtungo sa lugar ng kombensiyon. Ang karamihan ay dumating sakay ng kotse, bus, tren, o eroplano. Isa ka ba sa kanila?
Sa 1998, idaraos na naman ang mga kombensiyon sa palibot ng daigdig, karamihan ay sa mga buwan ng tag-araw (o sa panahon ng tag-init). Kung ipahihintulot ng kalusugan, malamang na muli na namang maglalakad nang ganoon kalayo si Ndjaukua Ulimba upang makadalo. Siya at ang milyun-milyong iba pa ay makaririnig ng isang praktikal, nakapagpapatibay-pananampalataya, at nakapagpapasiglang programa. Para sa lahat ng dadalo, ang kombensiyon ang magiging pinakatampok na bahagi ng taon. Kayo man ay malugod na inaanyayahang dumalo. Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong pook ay matutuwang sabihin sa inyo ang lugar ng kombensiyon na pinakamalapit sa inyo.