Nagkakaisa sa Pinakamainam na Daan ng Buhay
Kung patuloy na darami ang populasyon ng daigdig, di-magtatagal at magkakaroon ng anim na bilyong tao sa lupa. Bagaman ang lahat ay galing sa iisang ninuno, waring hindi kinikilala ng karamihan na sila’y mga miyembro ng isang pangglobong pamilya na mananagot sa isang matalino at maibiging Maylalang. Ang pagkakabaha-bahagi at alitan sa pagitan ng mga bansa, lahi, at kultura ay mapanglaw na patotoo sa malungkot na mga pangyayaring ito.
DAHIL sa kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig, waring isang di-maabot na tunguhin ang pangglobong pagkakaisa. Ganito ang sabi ng The Columbia History of the World: “May kinalaman sa napakahalagang katanungan sa kung paano mamumuhay nang sama-sama, ang kasalukuyang daigdig ay walang maialok ni isa mang bagong ideya, wala ni isa.”
Gayunman, hindi nangangailangan ng isang bagong ideya ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa lahat ng mamamayan sa lupa. Ang landas tungo sa pagkakaisa ay nasa Banal na Kasulatan. Nakasentro ito sa pagsamba sa Isa na lumalang ng lupa at ng lahat ng buhay rito. Ang tunay na pagkakaisa ng kaisipan, layunin, at daan ng buhay ay umiiral na sa bayan ng Diyos. May bilang na mahigit na lima at kalahating milyon sa 233 lupain, sila’y nagkakaisa sa kanilang pananalig na ang daan ng Diyos ukol sa buhay ang siyang pinakamainam na daan. Tulad ng salmista, nananalangin sila: “Turuan mo ako, O Jehova, tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”—Awit 86:11.
Ang pagkakaisang ito ng bayan sa dalisay na pagsamba ay malaon nang inihula ni propeta Isaias. Siya’y sumulat: “Mangyayari na sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at dadagsa roon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan tungkol sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ ”—Isaias 2:2, 3.
Natatangi ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova. Sa mahigit na 87,000 kongregasyon sa buong daigdig, nakikibahagi sila sa iisang espirituwal na pagkain sa kanilang mga pulong linggu-linggo. (Mateo 24:45-47) Gayunman, mula noong kalagitnaan ng 1998 hanggang sa unang buwan ng 1999, ipinakita ng mga Saksi ang kanilang pagkakaisa sa isa pang paraan—sa pamamagitan ng pagtitipon sa kanilang tatlong-araw na “Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon sa buong daigdig. Sa 13 bansa, kabilang sa mga pagtitipong ito ang malalaking delegasyon mula sa iba’t ibang lupain at tinatawag na mga internasyonal na kombensiyon. Ang iba pa ay tinatawag na mga pandistritong kombensiyon. Subalit ang lahat ng mga kombensiyong ito ay nagharap ng pare-parehong programa ng espirituwal na mabubuting bagay.
Anong pagkaiga-igaya ngang makita ang maliligaya at maaayos ang pananamit na mga delegado na dumaragsa sa mga awditoryum at mga istadyum upang maturuan ni Jehova! Karaniwan na ang ipinahayag ng isang delegado sa internasyonal na kombensiyon na idinaos sa Michigan, E.U.A. Aniya: “Isang kagalakang makita ang ating mga kapatid mula sa buong daigdig—sa Czech Republic, Barbados, Nigeria, Hungary, Inglatera, Holland, Etiopia, Kenya, at marami pang ibang lupain—na nagyayapusan sa isa’t isa! Napakagandang pagmasdan ang mga magkakapatid na tumatahang sama-sama sa pagkakaisa, lumuluha sa kagalakan dahil sa pag-ibig na taglay nila para sa isa’t isa at para sa kanilang dakilang Diyos, si Jehova.” Susuriin ng susunod na artikulo ang programa ng kombensiyon na tinamasa ng milyun-milyon sa buong lupa.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.