“Nadarama Ko ang Payapang Kapaligiran”
ISANG lalaking nakapagsasalita ng wikang Aleman ang pumunta sa isang kombensiyon na inorganisa ng mga Saksi ni Jehova upang “magmanman” sa mga Saksi. Bakit? Ang kaniyang tunguhin ay “ilantad ang sektang ito at iligtas ang kaniyang mga kaibigan mula sa pagkaligaw.” Matapos daluhan ang kombensiyon, isinulat niya ang sumusunod na liham sa kaniyang mga kaibigan:
“Nang malapit na ako sa dako ng kombensiyon, nagduda ako kung ito nga ang tamang lugar. Wala akong makitang tao na nasa labas ng istadyum, at walang kalat o lata ng serbesa sa sahig. Habang papalapit ako, nakita ko ang dalawang ginoo sa pasukan ng istadyum. Binati nila ako at pinapasok.
“Inaasahan ko na makaririnig ako ng ingay mula sa libu-libo na inaakala kong naroroon, subalit napakatahimik. ‘Buweno’ ang sabi ko, ‘siguro kaunting tao lamang ang nakakalat sa buong dako.’
“Nang pumasok ako, ang aking pansin ay nakuha agad ng isang drama na isinasadula sa plataporma. Di-nagtagal at saka ko lamang nalaman na punô pala ang istadyum ng libu-libong taimtim na mga tagapakinig. Nadarama ko ang payapang kapaligiran. Hindi ko malilimutan ang aking narinig, nakita, at nadama hanggang sa matapos ang kombensiyon.
“Sa pakikisalamuha sa mga Saksi, talagang napansin ko ang kanilang maliligayang mukha at mga kapahayagan ng pag-ibig. Walang anu-ano, hindi ko na maiwasang isipin na, ‘Ang mga ito talaga ang bayan ng Diyos!’ ”
Sa halip na ‘iligtas ang kaniyang mga kaibigan mula sa pagkaligaw,’ hiniling sa kanila ng kabataang lalaki na makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Ang resulta? Ngayon, siya ay isa nang Kristiyanong matanda. Siya at ang kaniyang pamilya ay aktibo sa isa sa mga kongregasyon sa Zug, Switzerland.