Sila’y “Natakot sa Tunay na Diyos”
SAMANTALANG ang mga Israelita’y nasa pagkaalipin sa Ehipto, nalagay sa mahirap na kalagayan ang mga komadronang Hebreo na sina Sipra at Pua. Sa isang pagsisikap na sugpuin ang dumaraming populasyon ng mga dayuhan, pinag-utusan ni Paraon ang mga babaing ito: “Kapag tinutulungan ninyong magsilang ang mga babaing Hebreo . . . , kung iyon ay lalaki ay patayin nga ninyo iyon.”—Exodo 1:15, 16.
Sina Sipra at Pua “ay natakot sa tunay na Diyos,” kaya sila’y nagpakatibay ng loob at “hindi nila ginawa ang gaya ng sinabi sa kanila ng hari ng Ehipto.” Sa halip, iningatan nilang buháy ang mga sanggol na lalaki, bagaman ang matapang na paninindigang ito’y maaaring maglagay sa kanila sa panganib. “Ginawan ng mabuti [ni Jehova] ang mga komadrona,” at ginantimpalaan sila dahil sa kanilang gawang nagliligtas-buhay.—Exodo 1:17-21.
Idiniriin ng ulat na ito ang pagpapahalaga ni Jehova sa mga naglilingkod sa kaniya. Bagaman may katapangan nilang ginawa iyon, maaari Niya sanang minalas ang ginawa nina Sipra at Pua na basta makatao lamang. Tutal, walang babaing may matinong isip ang papaslang ng mga sanggol! Gayunman, walang alinlangang isinaalang-alang ni Jehova ang bagay na nakagawa ng karima-rimarim na bagay ang ilang tao dahil sa pagkatakot sa tao. Alam niya na ang mga komadronang ito’y naudyukan hindi lamang ng kabaitan ng tao kundi ng makadiyos na takot at debosyon din naman.
Anong laking pasasalamat natin na maglingkod sa isang Diyos na nakapapansin sa ating tapat na mga gawa! Totoo, marahil wala sa atin ang nakaharap na sa pagsubok ng pananampalataya na gaya ng napaharap kina Sipra at Pua. Gayunman, kung tayo’y maninindigang matatag sa kung ano ang tama—ito man ay sa paaralan, sa ating dako ng trabaho, o sa anumang iba pang situwasyon—hindi ipinagwawalang-bahala ni Jehova ang ating matapat na pag-ibig. Sa kabaligtaran, siya’y “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Oo, “ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, sa bagay na kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”—Hebreo 6:10.